LUMAPIT ang reigning titlist Nazareth School of National University sa asam na season sweep na magbibigay sa kanila ng outright finals berth matapos igupo ang University of the East, 124-60, kahapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 82 Juniors Basketball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Ang panalo ang ika-11 sunod para sa Bullpups na nangangahulugang kailangan na lamang nilang ipanalo amg nalalabi nilang tatlong laro upang ganap na mawalis ang elimination round.
Limang Bullpups ang tumapos na may double digit upang pangunahan ang nasabing pagdomina nila sa Junior Warriors.
Kapwa nagtala ng tig-17 puntos sina Carl Tamayo at Reyland Torres bilang topscorers na sinundan nina Terrence Fortea, Kevin Quiambao at Harold Alarcon na umiskor ng 13 at tig-10 puntos ayon sa pagkakasunud-sunod.
Nawalan naman ng saysay ang game high na 20 puntos ni CJ Austria dshil bigo itong isalba ang Junior Warriors sa pagkabigo dahil na rin sa kakulangan ng suporta mula sa kanyang mga kakampi.
Nalaglag ang UE sa ikapitong puwesto taglay ang markang 3-8, panalo-talo.