April 12, 2026

Home BALITA Probinsya

Swimming ng 2 grupo, nauwi sa pamamaril at pananaga!

Swimming ng 2 grupo, nauwi sa pamamaril at pananaga!

Sugatan ang tatlong indibidwal matapos mauwi sa karahasan ang isang outing ng dalawang grupo sa isang ilog sa bayan ng Calinog, Iloilo.

Ayon sa paunang ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa isang bahagi ng ilog sa Barangay Cahigon kung saan nagkainitan umano ang dalawang grupo habang nag-iinuman.

Sa kuha ng video na kumalat online, makikita ang kaguluhan sa pagitan ng mga sangkot at maririnig ang ilang putok ng baril sa gitna ng komosyon.

Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang gulo nang magkapikunan ang ilang miyembro ng magkabilang grupo. Sa gitna ng tensyon, isang lalaki ang umano’y nanaksak ng kanyang nakaalitan.

Bilang tugon, isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang nagpaputok ng baril at tinamaan ang suspek na nanaksak. Nadamay din sa insidente ang isang barangay kagawad na sinubukang umawat sa kaguluhan.

Probinsya

‘One Cainta Pantry,’ muling binuhay dahil sa krisis

Agad na isinugod sa pagamutan ang tatlong sugatan at ayon sa mga awtoridad ay nasa ligtas na kalagayan na ang mga ito.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang kabuuang pangyayari, kabilang ang posibilidad na may matagal nang alitan sa pagitan ng mga sangkot na maaaring nag-ugat ng insidente.