Ngayong Huwebes, Abril 9, 2026, ginugunita ng Pilipinas ang naging kabayanihan ng mga sundalong Pilipino na nakipaglaban at inalay ang kanilang buhay sa naganap na ikalawang pandaigdigang digmaan noon laban sa puwersa ng mga Hapon sa Bataan.
Ito ang pinagmulan ng pagdiriwang sa paggunita ng Araw ng Kagitingan o Day of Valor sa Ingles.
Abril 9, 1942, nang umusbong ang bansag na “Death March” kung saan sapilitang pinagmartsa ang mga aabot sa mahigit 76,000 na mga Amerikano at Pilipinong sundalo patungo sa kampo ng bihag ng mga Hapon.
Nagsimula ang tanyag na naging pagmartsang ito ng kasundaluhan mula Mariveles, Bataan hanggang Capas, Tarlac na tinatayang 106 kilometro ang pagitan.
Sa dami ng mga nagsipagmartsang sundalo, ang iba sa kanila ay hindi na umabot at nalagutan ng hininga sa kasagsagan ng kanilang pagbagtas papuntang Tarlac dahil sa naranasang matinding hirap, pagod, at gutom.
Mahigit 54,000 na lang umano ang sinuwerte at nakaabot pang buhay na mga nagmartsang sundalo sa Tarlac sa kanilang destinasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Paggunita sa Day of Valor: Ang pagbagsak ng Bataan ay isa ring kagitingan
Ngunit sa tumpok ng mga sundalong nagmartsa noon papuntang Tarlac, may isang Pilipino ang ikinukubli ang kaniyang pagkakakilanlan at naging kagitingan sa gitna ng digmaan laban sa mga Hapon.
Walang iba kundi si Sergeant Jose Cabalfin Calugas. Mula sa Barangay Tagsing, Leon, Iloilo at ipinanganak noong Disyembre 29, 1907.
Ayon sa tala ng World War II National Museum, Si Calugas ay pumasok at sumali noon sa Philippine Scouts sa edad na 23. Isa itong mahalagang at espesyal na yunit na binubuo ng mga Pilipinong maglilingkod sa puwersa ng Amerika. Nagtungo siya sa Oklahoma upang magsanay at mag-aral sa paggamit ng artilerya.
Unang naitalaga si Calugas sa 24th Artillery Regiment ng Philippine Scouts kung saan nadestino siya sa Fort Stotsenburg sa Pampanga at kalaunan ay nakasama sa 88th Artillery Regiment sa puwersa ng Amerika.
Nagsilbi bilang mess sergeant, isa sa mga naghahanda at nagbibigay ng pagkain sa mga sundalo, si Calugas sa Battery B ng 88th Artillery Regiment nang magsimulang atakihin ng mga Hapon ang Pilipinas noong Disyembre 8, 1941. Ang terminong artillery battery o baterya sa hukbong sandatahan noon ay tumutungkol sa yunit ng artillery regiment na may mga dalang baril, launchers, at kanyon.
Dahil dito, agad na pinadala noon ang yunit nina Calugas sa Bataan Peninsula.
Umaga ng Enero 16, 1942, isa sa pangunahing inatake ng mga Hapon ang unang batalyon ng 88th Regiment na nakahimpil malapit sa Culis sa peninsula ng Bataan. Bandang hapon sa parehong araw, nagawang bombahin at paputukan ng mga Hapon ang iba pang Artillery Battery ng 88th Regiment na medyo malayo sa kanilang posisyon. Nasawi sa engkwentro ang ilang mga kasamahan ni Calugas habang ang iba naman ay nagtamo ng mga sugat.
Napagtanto ni Calugas na tumahimik ang kabilang baterya ng yunit nila at kalaunan ay nalaman niya na rin ang sinapit ng kabilang baterya. Agad siyang bumuo ng grupo mula sa mga nagboluntaryo niyang mga kasamahan at sinubukan nilang tumakbo sa gitna ng putukan laban sa mga Hapon na may layong halos kalahating milya o mahigit isang kilometro. Ginawa nila ito kahit walang ibinababang utos sa kanila.
Napilitang umatras ang ilan sa mga kasamahang nabuo ni Calugas habang matagumpay naman siya at iba pa niyang mga kasamahan na makarating sa kabilang baterya. Agad na inayos at tinutok ni Calugas ang artilyera sa mga kalaban at pinaputok niya ito nang walang tigil.
Matapos ang ilang oras, humupa ang sagupaan sa pagitan ng hukbo nina Calugas laban sa mga hapon at bumalik na siyang muli sa pagsisilbi bilang mess sergeant sa Battery B ng 88th Regiment.
Matapos ang halos isang buwan, nakatanggap ng balita si Calugas na makakatanggap siya ng Medalya ng Karangalan mula sa US dahil sa ipinakita niyang kabayanihan noong Enero 16, 1942.
Ngunit hindi ito natuloy hanggang sa muling ipagpatuloy ng mga Hapones na atakihin ang Pilipinas.
Abril 1942, kasama si Calugas sa mahigit 75,000 na mga Amerikano at Pilipinong sundalo na sumuko sa mga Hapones at pinagmartsa papunta sa kampo ng bihag ng mga Hapones. Kalaunan itong makikilala sa bansag na “Bataan Death March.”
Habang bihag ng mga hapones at kaisa sa mga kalalakihan sa Bataan Death March, mahigpit na inabiso ni Calugas sa kaniyang mga kasamahang sundalo na huwag ipamalita na paparangalan siya ng US dahil sa nagawa niyang katapangan. Maaari kasi umanong mas bumigat ang ipataw na parusa ng mga hapon sa kaniya o baka patayin siya kung malalaman ng mga kaaway na magkakaroon siya ng parangal.
Sumali si Calugas sa mga gerilyang espiya noon habang isa siya sa mga bilanggo ng mga hapones at matagumpay siyang nakatakas sa kamay ng mga Hapon.
Patuloy na nakiisa at nakipaglaban sa mga Hapon si Calugas hanggang sa matagumpay na makalaya ang Pilipinas sa pananakupan ng mga nasabing banyaga noong 1945.
Abril 30, 1945, natanggap sa wakas ni Calugas ang parangal sa kaniya ng mga Amerikano. Pinarangalan siya ni Army Major General Richard Marshall sa ginanap nila noong seremonya sa Camp Olivas.
Siya lang umano ang beteranong Pilipino na nakatanggap ng pinakamataas na parangal noong ikalawang digmaan.
Matapos ang ikalawang digmaan, nagserbisyo pa rin si Calugas sa Philippine Scout at nadestino noon sa Okinawa. Nakatanggap din si Calugas ng alok para maging mamamayan ng US at masaya niya itong tinanggap
Inilipat si Calugas sa Fort Lewis, Washington noong 1955 at utay-utay niya nang kinupkop at nakasama ang kaniyang pamilya roon.
Enero 18, 1988 nang mamatay si Calugas sa edad sa edad na 90 at inilibing sa Mountain View Memorial Park sa Tacoma.
KAUGNAY NA BALITA: Kilalanin: Ang babaeng espiya noong WWII