April 22, 2026

Home FEATURES Lifehacks

ALAMIN: Mga halamang nabubuhay kahit kulang sa dilig!

ALAMIN: Mga halamang nabubuhay kahit kulang sa dilig!
Photo courtesy: Freepik

Sa gitna ng tumitinding init at pabago-bagong klima, unti-unting natututo ang maraming Pilipino na yakapin ang mas praktikal at sustainable na paraan ng paghahalaman.

Noong panahon ng pandemya, nauso ang pag-aalaga ng iba't ibang klase ng halaman, kaya nauso rin ang mga terminong "plantito" at "plantita."

Dahil masyadong busy ang mga tao ngayon, nauuso ang mga halamang puwedeng alagaan pero hindi kailangang diligan araw-araw; sa halip, mas pinipili ngayon ang mga tinatawag na drought-tolerant plants, o mga halamang kayang mabuhay kahit kaunti lamang ang tubig.

Ayon sa isang online article mula sa Visayas State University (VSU) noong 2024, ang mga ganitong uri ng halaman ay may kakayahang mag-adapt sa kakulangan ng tubig dahil sa kanilang pisikal at biyolohikal na katangian. Nakakayanan nilang mabuhay sa matagal na panahon kahit hindi regular ang pagdidilig, at sa ilang kaso, umaasa na lamang sa ulan para sa kanilang sustansya.

Saad pa sa artikulo, hindi basta-basta ang kakayahan ng mga halamang ito. Mayroon silang mga espesyal na katangian, tulad ng makakapal na dahon o tangkay, na nagsisilbing imbakan ng tubig. Dahil dito, hindi sila agad natutuyo kahit matagal na hindi nadidiligan.

Lifehacks

ALAMIN: ‘Life hacks’ para maibsan ang stress sa araw-araw

Sa katunayan, ang konsepto ng "xeriscaping," isang uri ng landscaping na gumagamit ng mga halamang hindi nangangailangan ng maraming tubig, ay lalo pang isinusulong sa Pilipinas bilang bahagi ng water conservation efforts.

Mga Halamang Kayang Mabuhay Kahit Minimal ang Tubig

Narito ang ilan sa mga kilalang halimbawa:

1. Succulents at Cactus/Cacti

- Kabilang dito ang aloe vera, jade plant, at iba’t ibang uri ng cactus. Kilala sila sa kakayahang mag-imbak ng tubig sa kanilang makakapal na dahon. Dahil dito, kaya nilang tumagal nang ilang linggo o kahit buwan na hindi dinidiligan.

2. Snake Plant at ZZ Plant

- Mga tanyag na indoor plants ito dahil sa kanilang tibay. Ayon sa plant enthusiasts, kaya nilang mabuhay kahit napapabayaan at hindi nadidiligan sa mahabang panahon, basta’t may kaunting liwanag.

3. Ornamental Plants gaya ng Kamuning, Yellow Bell, at Spider Lily

- Sa mga hardin at landscape, ginagamit ang mga halamang ito dahil sa kanilang kakayahang mabuhay kahit isang beses lamang diligan kada linggo o minsan ay hindi na sa panahon ng tag-ulan. 

4. Lavender at Iba pang Heat-Resistant Plants

- Bukod sa bango at ganda, ang lavender at iba pang katulad nito ay kayang tumubo sa tuyong lupa at mainit na klima. Mas gusto pa nga nila ang hindi madalas na pagdidilig. 

Bukod sa lavender, ilan pa sa heat-resistant plants ayon sa "Thompson and Morgan" website ay Eryngium planum 'Blue Hobbit,' Cistus x pulverulentus 'Sunset,' Verbena bonariensis 'Lollipop,' Pennisetum alopecuroides, Perovskia atriplicifolia 'Little Spire,' Yucca filamentosa 'Bright Edge,' Osteospermum, Sedum Takesimense 'Atlantis,' at Hibiscus 'Flower Tower Ruby.'

Praktikal at Makakalikasang Benepisyo

Hindi lamang pandisplay ang benepisyong dulot ng mga halamang ito. Malaki rin ang kanilang ambag sa pagtitipid sa tubig at oras ng pag-aalaga.

Ayon sa mga eksperto, ang paggamit ng drought-tolerant plants ay nakakatulong sa:

1. Pagbabawas ng konsumo sa tubig

2. Mas mababang maintenance

3. Pagpapalamig ng kapaligiran

4. Pagpapalago ng biodiversity

Kaya naman, ang pagkakaroon ng mga halamang hindi nangangailangan ng madalas na dilig ay isang praktikal na solusyon. Hindi mo na kailangang maging eksperto sa gardening upang mapanatiling buhay ang iyong “green space.”