Ilocos Empanada, ano tara?
Masarap ‘pag bagong luto, talagang nakakabusog, at siyempre, hindi nakakasawa lalo kung malasa ang ginamit na mga rekados—’yan ang empanada!
Kabi-kabila na nga ang usap-usapan patungkol sa sikat na sikat ngayong “Ilocos Empanada.”
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ito ay isang uri ng empanada, na tila ay gustong-gusto nga ng karamihan!
Pero sa kasikatan ng empanada ngayon, hindi lamang pala ito matunog sa Pilipinas, international level din pala ang sarap nito!
Ano nga ba ang empanada?
Ayon sa artikulong mababasa sa pahinang “Cocina,” ang salitang empanada ay nagmula sa salitang Espanyol na “empanar,” na ang ibig sabihin ay “to wrap or coat in bread.”
“At their core, empanadas are simple: dough wrapped around a filling, folded into that iconic half-moon shape,” mababasa sa artikulo.
Batay pa rito, iba-iba raw ang paraan kung paano gawin ang putaheng ito. Ang ilan ay “baked,” ang ilan din naman ay piniprito.
May iba-iba ring laman ang empanada, depende sa interes ng bawat indibidwal—may beef, chicken, cheese, seafood, o kaya naman ay sweet fillings.
Iba’t ibang bersyon ng empanada sa bawat bansa
Kakaibang klase, kakaiba ring paraan kung paano gawin. Siyempre, kakaiba rin ang nilalaman at kakaiba rin ang pinagbasehang kultura.
Sa Pilipinas, sikat na sikat sa kasalukuyan ang Ilocos Empanada. Pero paano naman sa iba pang mga bansa? Mayroon din ba silang sariling uri ng empanada?
Argentina
Ayon sa Voyo Eats, ang Argentina ay tanyag sa paggawa ng masasarap na empanada—na siyang kinikilala bilang isang staple food sa nabanggit na bansa.
Sa bersyon ng Argentina, tipikal daw na ginagawa ang empanada sa pamamagitan ng paggamit ng seasoned ground beef, sibuyas, nilagang itlog, olives, at minsan ay may kasama ring mga patatas.
Ito rin daw ay kadalasang bine-bake o piniprito.
Ang empanada ng Argentina ay mayroong rich, savory filling na swak sa golden, flaky dough nito.
Spain
Batay sa parehong source, ang empanadang likha mula sa Espanya ay iba sa gawang Argentina.
Sa bansang ito, ang empanada ay kadalasang binubuo ng tuna, paminta, sibuyas, at kadalasan ay nilagang itlog.
Dahil daw sa kombinasyong ito, ang empanada mula sa Spain ay light, ngunit satisfying naman kung maituturing.
Chile
Ayon sa Empanada Mama, bida naman ang mga lamang-dagat sa empanada ng Chile.
Ang “Empanadas de mariscos” ay kadalasang hinahaluan ng hipon o kaya naman ay tahong. Isinasama ito sa mga itlog at olives at madalas na bine-bake.
Caribbean
Ang empanada sa Caribbean ay kakaiba, sapagkat “skew sweet” ang bersyon nila ng pagkaing ito.
Base sa parehong source, ang empanada ng Caribbean ay makikitaan ng coconut at pineapple-stuffed ingredients.
Madalas, nilalagyan pa ito ng asukal bago prituhin.
Colombia at Venezuela
Sa Colombia at Venezuela naman, ang tipikal na empanada ay nilalagyan ng mga rekados katulad ng cornmeal dough, shredded beef, cheese, at minsan ay mayroon ding sweet guava paste.
Ang bersyon ng mga bansang ito ng empanada ay cripsy, golden, at “slightly nutty.”
Iba-iba man ang bersyon ng empanada ng bawat bansa, tiyak na ito ay hinulma na ng kanilang tradisyon at kultura.
Kakaiba man ang klase at uri ng kanilang mga empanada, siguradong ito ay swak sa panlasa ng madla.