Hindi naman talaga kasama sa Sampung Utos ng Diyos ang hindi mag-resign o umalis sa trabaho kung hindi na talaga kaya o nahihirapan na at tingin ng isang empleyado na may iba pang bagay na gusto niyang gawin.
May punto na pilit na malalagay ang isang empleyado sa sitwasyong tila kayhirap na ng lahat at hindi na sumasapat ang pagtatrabaho sa isang kumpanyang matagal niyang pinaglaanan ng oras at panahon.
Maaari nga bang hindi tanggapin ng isang employer ang resignation letter na sinusumite ng empleyado at mapilitan itong huwag umalis sa kumpanyang kaniyang pinagtatrabahuhan?
Ayon sa viral na video explainer ng lawyer at content creator na si Atty. Anselmo Rodiel IV, ipinaliwanag niyang maaari umanong mag-resign ang isang empleyado sa anomang dahilan nito.
“Lahat ng empleyado sa Pilipinas, pupuwede pong mag-resign for any reason,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi kailangan ng may matinding reason, hindi kailangan na may sakit sa pamilya, hindi po ganiyan.”
Ani Atty. Rodiel, maaari nga raw na umalis sa kumpanya ang isang empleyado kahit wala itong dahilan.
“Kahit anong dahilan at kahit walang dahilan, pupuwede pong mag-resign ang isang empleyado sa kaniyang kumpanya,” aniya.
Paliwanag ng abogado, hindi umano dedepende sa pagtanggap ng employer ang pagpa-file ng resignation letter ng empleyado at agad na magsisimula ang 30 days period bago ito tuluyang makaalis sa kumpanya.
“Ngayon, kapag nag-file kayo ng resignation letter, hindi rin po subject sa acceptance ng employer n’yo ‘yan,” saad niya.
Paglilinaw niya, “Kapag nag-file kayo ng resignation letter ngayon… tatakbo na po ‘yong 30 days period na tinatawag natin bago po talaga kayo finally umalis na at maglaho na sa kumpanya. Kahit hindi po i-accept nitong employer, hindi po naa-adjust ‘yong 30 days period.”
Paghahalimbawa ni Atty. Rodiel, maaari daw makaalis ang isang empleyado sa buwan ng Oktubre kung nagsumite ito ng kaniyang resignation letter notice sa petsa ng Setyembre 1 kahit anoman ang maging desisyon ng employer nito.
“Kung September 1 kayo nag-file, pagkatapos ng September 1, kapag Oktubre na, hindi na pupuwedeng nasa empleyo ka pa rin. Wala ka na talaga diyan kasi nga tumatakbo na ‘yong 30 days period anoman ang reaksyon, kung gusto man i-accept o i-reject ng employer n’yo ‘yong resignation letter n’yo,” ‘ika niya.
Pagdidiin niya, karapatan ng lahat ng empleyado sa Pilipinas ang mag-resign sa kaniyang trabaho, tanggapin man o hindi ng kaniyang employer ang kanilang resignation letter.
“Tandaan n’yo, karapatan n’yong mag-resign. Hindi pupuwede na pipilitin kayong mag-stay sa trabaho just because hindi ia-accept. Hindi po ganiyan ang galawan,” paliwanag niya.
Aniya pa, “Empowered ang mga empleyado na sa Pilipinas. Know your rights. Kung gusto ninyo na umalis diyan, mag-file na kayo ng resignation letter.”
Kailangan lang umanong magtiis pa ng empleyado ng 30 na bilang ng mga araw para magkaroon ng panahon ang employer na maghanap ng bagong aplikante at maisumite ang mga dokumento nito.
“Kailangang magtiis pa kayo ng 30 days kasi may 30 day period pa ‘yong employer n’yo para maghanap ng kapalit sa inyo at para ma-turnover ‘yong document at after that, wala na po talaga. Kailangang umalis na kayo sa trabaho,” anang abogado.
“Hindi kayo puwedeng piliting mag-stay diyan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, umabot na sa mahigit 11 million views, 256K reactions, at 7.1K shares ang naturang post ni Atty. Rodiel.
Mapapanood sa link na ito ang buong video ng nasabing abogado: https://web.facebook.com/share/v/1BvLN8FGTe/