April 23, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga epekto ng stress sa pangkalahatang kalusugan

ALAMIN: Mga epekto ng stress sa pangkalahatang kalusugan
Photo courtesy: Unsplash

“Mamamatay na ata ako sa stress!” 

Madalas ginagawang biro o katatawanan ng marami ang katagang ito dahil sa hindi inaakalang malaking epekto ng stress sa utak, katawan, at emosyonal na estado ng isang indibidwal. 

Ayon sa World Health Organization (WHO), bilang natural human response, ang kakaunting stress ay nakatutulong upang makagawa ng pang araw-araw na desisyon sa buhay ang isang indibidwal. 

Gayunpaman, katulad ng ibang bagay na nakasasama kapag sobra, ang labis na pagkaramdam ng stress ay nagkakaroon ng negatibong epekto sa pangkabuoang kalusugan ng sinuman. 

Dahil dito, paano nga ba nakaaapekto ang stress sa kalusugan? 

Human-Interest

'Not withheld!' Top 1 ng March 2026 PLE, retaker muna bago nagtagumpay

Ayon sa pag-aaral ng National Center for Mental Health (NCMH), mas madaling kapitan ng sakit ang isang taong stressed dahil sa paghina ng immune system nito. 

Ilan sa mga partikular na karamdaman na maaaring maramdaman ng isang stressed na tao ay ang flu-like symptoms tulad ng lagnat, sipon, nausea o pagduduwal, pagsakit ng mga kalamnan, at panghihina, batay naman sa pag-aaral ng Medical News Today. 

Ito’y dahil kapag nasa ilalim ng mataas na stress, inaakala ng utak na ang katawan ay nasa panganib. 

Kaya itini-trigger nito ang sympathetic nervous system (SNS) na isang network ng nervous system na nag-aactivate sa “fight or flight response” ng isang indibidwal. 

Gayundin ang activation ng adrenal gland hormones at noradrenaline na nagdudulot ng mala-lagnat na mga sintomas. 

Respiratory System

Ayon naman sa American Psychological Association (APA), sa respiratory system, ang stress at iba pang mabibigat na emosyon ay nagdudulot ng pagkahirap sa paghinga. 

Maaari din itong maging trigger ng hika, lalo na sa mga taong mayroon nang kondisyon na ito. 

Cardiovascular System

Dahil din sa dulot nitong mabilis na pagtibok ng puso at pagtaas ng presyon ng dugo, ang pangmatagalang stress ay maituturing na high risk ng hypertension, atake sa puso, o kaya’y stroke. 

Gastrointestinal System

Sa gastrointestinal system naman ng katawan, dahil ang stress ay iniuugnay sa pagbabago ng gut bacteria sa tiyan, ang kalabisan nito’y nagdudulot ng pagkakaroon ng iba’t ibang sakit at kondisyon sa tiyan. 

Esophagus

Kadalasan, ang stress ay nagdudulot upang abusuhin ng isang indibidwal ang paggamit ng alcohol o tobacco, na maaaring mauwi sa heartburn o acid reflux. 

Ang labis na stress din ay posibleng magdulot ng spasms sa esophagus na maaaring mapagkamalang atake sa puso. 

Bukod pa rito, kadalasan, ang stress ay nagdudulot din ng overeating o labis na pagkain o kaya nama’y undereating o kakulangan sa pagkain kaya ito ay maaaring mauwi sa pananakit ng tiyan, diarrhea, o kaya’y constipation. 

Gayundin ang masakit na muscle spasm sa paglalabas ng dumi. 

Reproductive System 

Ayon pa sa pag-aaral ng APA, ang labis na stress ay nagdudulot ng mababang sperm motility para sa kalalakihan at pagkawala o iregular na regla para sa kababaihan dahil sa pagbabago ng haba sa menstrual cyctle. 

Gayundin ang masakit na pagkakaroon ng regla o Premenstrual syndrome na kinabibilangan ng mga sintomas na tulad ng cramping, bloating, at mood swings. 

Paano isasagawa ang maayos na stress management? 

Ayon sa WHO, unang una sa epektibong stress management ay ang paggawa ng routine sa araw-araw dahil dito, nalaanan ng oras ang mga regular na interval ng pagkain at ehersisyo kasabay ng iba pang responsibilidad. 

Isa pa ay ang maayos na tulog dahil ito ay nagsisilbing repair ng katawan mula sa naipong stress sa katawan. 

Sa pagkakaroon din ng maayos na tulog, “consistency” ang susi rito upang masanay ang utak at katawan. 

Ilan pa sa stress management tips na ibinigay ng WHO ay ang masustansya at balanseng diet, pag-inom ng sapat na tubig, at limitadong paggamit ng social media dahil sa mga negatibong ulat na kadalasang naglipana rito.