SA ginanap na Coming Home mediacon ay inamin ni Edgar Allan Guzman na ngayong 2020 ay todo ipon ang gagawin niya para maipatayo na ang bahay na matagal na niyang pangarap.

EA

Biniro nga namin ang aktor na matagal niyang press release ito, pero hindi naman natutuloy.

“Balak ko po this year ipatayo kasi ayaw kong mag-loan sa bangko gusto ko sa sarili kong bulsa kaya nag-iipon muna ako kaya medyo na-delay ng konti. Hindi ko naman siya dinelay kasi ayaw ko lang gusto ko kapag itinayo ko, may matitira pa rin sa akin kahit papaano,” paliwanag ni EA (tawag sa aktor).

Tsika at Intriga

98% ng buhok, nalagas na; Doc Willie may mensahe sa kabataan, mga magulang

Pitong taon na ang relasyon nina Edgar Allan at Shaira Mae Diaz sa Pebrero at humingi pa ng dispensa sa amin ang binata dahil lagi niya itong itinatanggi kapag sinusulat namin dahil maraming beses na namin silang nahuhuling magkasama sa malls.

Hindi na nila itinatago ngayon ang kanilang relasyon, “oo hindi na tago. Alam ko isa ka sa mga saksi, sorry na, alam mo naman kung bakit ‘di ba?” natatawang sabi ni EA.

Napag-uusapan na ng dalawa ang kasal pero wala pang plano kung kailan.

“Oo pero hindi pa kami dumarating sa point na seryoso kasi mahal pa namin ang mga careers namin, ang daming plans sa kanya ng GMA kaya natutuwa naman ako. Ako rin marami pa rin plano, at kaka-30 (edad) ko lang, wala pa akong bahay,” esplika ng aktor.

Dagdag pa, “sabi ko, dati 32 puwede na akong mag-asawa, pero ngayon umurong parang 34 o 35 na.”

Edad 24 si Shaira kaya bata pa rin kung umabot na si EA sa 35, kaya sabi namin na itodo na niya hanggang 40 para todo ipon na rin.

“Huwag naman!,” tumawang sagot ng aktor, “Gusto ko ang mga anak ko nakakalaro ko pa ng basketball, ayaw ko namang nakaupo lang ako.”

As of now ay patapos na ang regular show niyang One of the Baes sa GMA at wala pang kasunod, pero may guestings naman siya.

Samantala, gagampanan ni Edgar Allan sa Coming Home ang role bilang panganay na anak nina Senator Jinggoy Estrada at Sylvia Sanchez.

“Bilang panganay, emosyonal kasi may ginawa si Sen Jinggoy, may mistress siya niloko niya ang nanay ko, doon ako nagsimulang magalit sa kanya.

“Nu’ng bumalik siya sa amin ayaw ko siyang tanggapin, so doon lahat manggagaling ang galit ko. Hindi ko pa nagampanan ang ganitong role kaya challenging at excited din kasi first time kong makakatrabaho si Ms Sylvia, alam naman nating magaling siya, kapatid ko si Martin (del Rosario) kaya aktingan talaga. It’s my pleasure to work with award winning actors,” pahayag ng binata.

-Reggee Bonoan