TINANGHAL na ‘Fighter of the Year’ ng World Boxing News (WBN) si People’s Champion Sen. Manny Pacquiao.
Ang pagkakapili sa tanging eight-di¬vision world champion ay patunay na hindi natitinag sa pedestal ang pangalan ng Pinoy world champion. Napili si pacman sa isinagawang on-line voting na WBN.
Nakakuha ang reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion ng 14,320 boto o 91.4 porsiyento ng kabuuang boto.
Nasa malayong ikalawa si World Boxing Organization light heavyweight titlist Canelo Alvarez na naglista lamang ng 481 boto (3.1%) habang ikatlo si World Boxing Association bantamweight at International Boxing Federation bantamweight champion Naoya Inoue na nakalikom ng 322 boto (2.1%).
Nakuha ang No. 4 ni WBA, IBO, WBO at IBO heavyweight champion Anthony Joshua na may 206 boto kasunod sina World Boxing Council heavyweight king Deontay Wilder (203), IBF at WBC welterweight champion Errol Spence Jr. (117) at WBC flyweight champion Juan Estrada (19).
Sa edad na 40, hindi pa rin nalilipasan ng husay at galing si Pacquiao na kanyang pinatunayan sa dalawang panalo sa nakalipas na taon.
Sinimulan ni Pacquiao ang 2019 nang ilista nito ang unanimous decision win kay Adrien Broner sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada para madepensahan ang WBA regular welterweight title.
Muling umariba ang Pinoy champion noong Hul¬yo matapos dungisan ang rekord ni Keith Thurman sa pamamagitan ng split decision win para maagaw ang WBA super welterweight belt sa parehong venue.
Nakatakdang lumaban si Pacquiao sa Abril, ngunit wala pang kasiguraduhan kung sino ang kanyang pababagsakin.