NAPANOOD ko na ang The Mall, The Marrier na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Anne Curtis mula sa direksiyon ni Barry Gonzales at joint venture ng Star Cinema at Viva Films na isa sa walong official entries sa 2019 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Wala itong pagkakaiba sa mga naunang pelikula ni Vice Ganda na palaging nangunguna sa box office race sa MMFF, sadyang prinodyus para magbigay aliw at katatawanan sa moviegoers, sagana sa play of words, gags, at jokes. Pati posture ni Vice dito as Moira, nagpapatawa.
Sa musical na bukana pa lang, may pakitang-gilas na sa computer generated images sa mall na pag-aari ng pamilya ng magkapatid na Moira/Moises (Vice) at Morisette (Anne). Magulang nila na naghiwalay ang nagpundar ng mall, at ipinakita sa simula ng kuwento na nasa Pilipinas si Moira kasama ang ama sa pamamahala ng mall at sa Australia naman naninirahan si Morisette kasama ang ina.
Sa CGI, ipinakita agad na napag-iiwanan na ng naggagandahan at nagtataasang buildings sa paligid ang Tamol Mall. Maraming sira, reklamo mismo ng mga guwardiya na chummy-chummy ni Moira. Nilalait si Moira ng sariling guards, mula ulo hanggang paa pati fashion pero game lang siya, para ipakita na boss siya na may ginintuang puso.
Kabaligtaran niya ang sosyal at mataray na si Morisette, na nagsasalita ng French at laging busy sa video conference sa kanyang trabaho bilang editor ng sosyal na magazine, habang pini-pedicure-an sa ibaba ng kanyang office table. May boyfriend siya na ang name ay Ewan.Naghiwalay ang magkapatid nang maghiwalay ang mga magulang na may secret affair naman pala sa isa’t isa.
Nag-crash ang sinasakyang eroplano ng mag-asawa nang mag-date sa Dubai, namatay, at saka lang muling nagkita sina Moira at Morisette.Sa pag-aagawan nila sa mamanahing mall nagkaroon ng showdown ang magkapatid pati na ang mga tauhan nila na nagkanya-kanyang kampihan.
Malaki ang tampo ni Morisette kay Moira dahil sa hindi nito pagtupad sa pangakong hahanapin at magkakasama pa rin sila. Inakala ng sister na gustong solohin ng kanyang sisteraka ang mall.Ito ang conflict na in-exploit sa pelikula.
Sex object ni Vice rito si Tony Labrusca, ang trusted employee sa mall. Tiyahin naman ng magkapatid si Dimples Romana na malaki ang galit sa kanilang ina dahil sa mahiwagang aklat na may mga orasyon na nakakapagpagalaw ng mga manikin at pictures. Kaya bukod sa toys sa mall, pati sina Lapu-lapu at Magellan at sina Bonifacio at Rizal ay mapapanood sa The Mall, The Merrier.
Sa huli, bumawi naman sa mga kagagahang pinaggagawa ng characters, at ng direktor, ang pelikula. Ang redeeming values ay ang pagkakasundo ng pamilya anuman ang mga hindi pinagkasunduan. Nabuhay rin kasi ang parents nina Moira at Morisette kaya naipaliwanag sa kanila ang malalabong bagay-bagay sa buhay nila.
May “noble” intention din naman ang The Mall, The Merrier kahit na punumpuno ng mga kalokohan.Binigyan ng chance si Vice na magdrama, pero nakakatawa pa rin.Sa isang tulad namin writer, hindi ang mall o materyal na pinag-aagawan ang symbolism sa pelikula. Mas symbolic ang pag-aagawan ng main characters sa libro -- bagamat bukod sa mga orasyon ay kung anu-anong kabalbalan lang naman ang nilalaman nito. Hindi wisdom ang laman ng libro.
Ang pelikula ay para sa mga naghahanap ng mapagtatawanan sa panahon ng kasiyahan. Watch at your own risk. Joke!
-DINDO M. BALARES