AMINADO si Vic Sotto na parang kulang ang kanyang Pasko kapag wala siyang entry sa MMFF. Nasa kultura at dugo na raw niya at panata na rin niya na tuwing film fest sa December, may entry siya bilang Pamasko sa moviegoers at hindi lang sa supporters niya.
“This December, we came up with something different, ito ngang Mission Unstapabol: The Don Identity . It took us a long, long time sa concept, stort at casting. It was a long process and when I watch the final product, sulit ang puyat at pagod naming lahat,” pahayag ni Vic.
Kaugnay nito, nabanggit ni Vic na hindi na niya in-aspire na mag-number one sa box-office ang Mission Unstapabol.
“Hindi ko na iniisip ang mag-number one, it doesn’t matter and what matters ay maging matagumpay ang MMFF. Sana ma-break ang record sa box-office gross ng film festival last year. Kahit 3rd runner up okay lang, basta maganda ang kalabasan ng film festival. Graduate na ako sa box-office, ang gusto na lang natin ngayon ay mag-enjoy ang moviegoers sa mga pelikulang mapapanood nila,” patuloy ni Vic.
Sinagot din ni Vic ang tanong kung bakit tuwing may MMFF movie siya, lagi siyang may kasamang Dabarkads ng Eat...Bulaga.
“Kapag tayo gumawa ng pelikula, hindi lang dabarkads ang kasama, may kapamilya, kapatid at kapuso para mas masaya. Siniguro rin namin na ang role ni Jose (Manalo), medyo edgy, iba siya, hindi basta role at hindi siya basta magpapatawa lang. Panoorin n’yo na lang,” pagtatapos ni Vic.
Sa direction ni Mike Tuviera, kasama rin sa nasabing pelikula sina Pokwang, Jake Cuenca, Maine Mendoza, Jelson Bay at Wally Bayola. May special participation sina Tonton Gutierrez, Sarah Lahbati, Pekto, Clint Bondad, Dino Pastrano, at Lani Mercado.
-NITZ MIRALLES