KUKURAP din pala ang Manila Waters at Maynilad Water Services, Inc. Ang dalawang ito ang ginawaran ng kontrata ng gobyerno para gampanan nila ang tungkulin nito na mamahagi ng tubig sa Kalakhang Maynila at bahagi ng Rizal at Cavite.

Naibigay ang kontrata sa kanila sa panahon ng administrasyong Fidel Ramos na magwawakas sa taong 2022. Pero malayo pa ang 2022, pinalawig na ng administrasyong Gloria Arroyo ang kanilang kontrata hanggang 2037. Nang tanggihan ng gobyerno ang pagnanais nila na magpataw ng karagdagang taripa sa kanilang singilin sa tubig dahil pati ang ibinabayad nilang corporate taxes ay gusto nilang ipasa sa mga water consumer, nagsampa sila ng kaso sa International Permanent Arbitration Court sa Singapore. Ayon sa kanila, nalugi sila at nagasusan pa nang pigilin sila ng gobyerno na magtaas sila ng singilin. Eh sa probisyon, anila, sa concession agreement, pinagbabawalan ang gobyerno na makialam sa pagtatakda nila ng taripa. Pinahihintulatan sila, ayon sa kontrata, na ipasa nila sa consumer ang arbitration expenses.

Kumurap ang dalawang water concessionaire dahil sinabi nila na hindi na nila sisingilin ng gobyerno sa napanalunan nilang desisyon ng arbitration court. Nagwagi kasi sila at inaatasan ng arbitral court ang gobyerno na bayaran ng P 7.4 billion ang Manila Water, samantalang P 3.4 billion naman ang Maynilad. Kabayaran daw ito ng lugi at gastos na naranasan ng dalawa nang makialam ang gobyerno at hindi sila pinahintulutan na magtaas ng kanilang singilin. Sa hiwalay na liham na ipinadala kay Pangulong Duterte ni Manuel Pangilinan ng Maynilad at Fernando Zobel de Ayala ng Manila Waters, pormal nilang ipinaabot sa gobyerno ang kanilang desisyon na hindi na nila kukolektahin sa gobyerno ang napagwagian nilang award sa arbitration court. Humingi pa nga ng paumanhin ang Manila Waters sa pamamagitan ng kanyang Pangulo Rene Almendras dahil sa nagalit ang Pangulo Duterte sa uri ng kanilang kontratang nakapipinsala sa gobyerno. Nangyari ito pagkatapos na magalit ang Pangulo at sabihing hindi niya babayaran ang arbitral award. Nagbanta pa siya na idedemenda niya ng plunder at economic sabotage ang mga opisyal ng Manila Water at Maynilad.

Sa pagpanig ni Foreign Secretary Teddy Locsin sa Pangulo, inakusahan niya na naluto sa suhol ang pagbuo ng concession agreement. Dalawang administrasyon ang tinamaan nito – administrasyong Ramos na dito nagawa ang kontrata at ang administrasyong Arroyo na siyang nagpalawig nito kahit napakalayo pa ng taong mapapaso ito. Ang mga administrasyong ito ang sinagasaan at hindi iginalang ni Pangulong Digong. Eh ang dalawang dating Presidenteng ito ang tahasang sinabi niya na tumulong sa kanya nang tumakbo siya sa pagkapangulo. Kinilala pa niya na malaking bagay ang nagawa nila. Kaya lang, sina dating Presidente Ramos at Arroyo ay iba kina Pangilinan ng Maynilad at Fernando Zobel ng Manila Waters. Sa sinabi ni Pangulong Digong na nais silang makausap, nakahanda naman daw sila. Dito dapat malaman nina Pangilinan at Zobel na iba sila kina dating Pangulong Ramos at Arroyo at iba naman ang mga ito kay Pangulong Digong

-Ric Valmonte