KAPAG nagtuluy-tuloy ang pag-arangkada ng mga ferry boat mula Pasig City hanggang Maynila na dadaan sa Pasig River, at ‘yung babaybay naman sa Manila Bay mula Cavite City patungong Cultural Center Complex (CCP), ay siguradong maraming kababayan natin ang biglang magiginhawaan sa matagal na nilang problema sa daloy ng trapiko sa mga naturang lugar.
Nito lamang kasing nakaraang linggo, halos magkasabay ang muling pag-o-operate ng dalawang linya ng mga ferry boat dito sa Metro Manila –ang fleet na tatakbo sa kahabaan ng Pasig River at ‘yung maglalayag naman sa Manila Bay mula Cavite hanggang CCP.
At ang bonus ng proyekto – sa loob ng isang buwan, mula Disyembre 9, 2019 hanggang Enero 9, 2020, ay magpapatikim ang operator nito ng libreng sakay bilang pamaskong handog sa publiko.
Ang mga ferry boat sa Pasig River ay pamamahalaan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ng Pasig River Ferry Services (PRFS), at magkatuwang itong inilunsad ng dalawang batang pulitiko na namamayagpag sa magagandang proyekto nila sa kanilang nasasakupan – sina Manila Mayor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto.
Sa rutang ito na Pasig – Manila ay pitong ferry boat ang bibiyahe. Dalawa rito ay maaaring makapagsakay ng 57 pasahero, samantalang ang tatlo pa ay kaya namang magsakay ng 36 pasahero, habang ang dalawa pang ferry ay 16 na pasahero lamang ang maaring maisakay.
Ang mga ferry stationsa Maynila ay sa Lambingan, Sta.Ana, PUP, Lawton at Escolta.
May nakatakdang itayo na tatlo pang ferry station sa may Quinta Market sa Maynila, Circuit Market sa Makati at Kalawaan sa Pasig upang mas maraming commuters ang makinabang.
Nangako naman ng todong suporta ang Philippine Coast Guard (PCG) sa proyekto sa pamamagitan nang pagbabantay upang masiguro ang seguridad sa Pasig River.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ang PRFS ay isang alternatibong transportasyon sa mga commuters ng Metro Manila na nais makaiwas sa matrapik na lansangan.
Kaya lang ang dapat na pagtuunan ng pansin ng mga awtoridad upang maging matagumpay ang proyektong ito ay ang “totoong dredging” na gagawin upang malinis ng husto ang bumabaw na Pasig River, dahil sa mga itinapon na basura rito ng mga “malilinis” nating kababayan na nakatira sa paligid ng makasaysayang ilog. ‘Me tama ba ako rito Department of Transportation (DoTr) Sec Arthur Tugade?
Yung linya naman na Cavite – CCP sa Pasay City ay tinawag na “water jeepney” ng mga magkakatuwang sa proyekto na DoTr, Maritime Industry Authority (Marina), PCG, Philippine Ports Authority (PPA) at pamahalaang lokal ng Cavite.
Ang “water jeepneys” na ito ay magpapaikli sa dating tatlo hanggang apat na oras na biyahe – mula Cavite hanggang Maynila -- sa15-20 minuto na lamang.
Ang mismong ruta nito ay mula sa Cavite City Port Terminal - Cavite City Hall patungong CCP Port, at sa Liwasang Bonifacio, siyempre balikan ang biyahe!
Walang problema muna ngayon sa pamasahe dahil nga libre ito sa loob ng isang buwan.
Yun lang kapag nag-umpisa na ang bayaran ng pamasahe – makayanan kaya ng mga commuter ang itinakdang presyo kada biyahe, lalo pa’t ang karamihan sa tatangkilik sa proyektong ito ay mga manggagawa, estudyante at mga senior citizen, na alam nating lahat na limitado lamang ang budget palagi sa bulsa?
Walang kaduda-duda na malaking tulong ang mga ferry boat sa convenience ng mga commuter na matagal na ring pasang krus ang problema sa daloy ng trapiko sa naturang mga lugar – basta unahin lang sana ang kapakanan ng publiko, hindi ang bulsa ng mga negosyanteng may hawak sa proyekto!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.