MATIKAS na nakihamok ang Philippine men’s volleyball team Bagwis,ngunit sadyang mas may karanasan at kinasihan ng suwerte ang Indonesia para mangibabaw, 25-21, 27-25, 25-17, Martes ng gabi sa volleyball finals ng 30th South Asian Games sa dinumog na Philsports Arena sa Pasig City.
Nakaririndi ang opensa ng Indonesians at sa kabila nang matatag na depensa ng Pinoy, sadyang nakaungos ang karibal para makumpleto ang three-set sweep at biguin ang Pinoy na mapawi ang mahabang panahong pagkauhaw sa gintong medalya sa volleyball.
Naungusan nina Rivan Nurmukli, Doni Haryono, Sigit Ardian at Putu Randu ang Pinoy, na pinangunahan nina Marck Espejo at Bryan Bagunas sa larong umabot ng isang oras at 29 minuto.
Nakamit naman ng Thailand, inalisan ng korona ng Philippines sa semifinals, ang bronze medal nang pataubin ang Myanmar 25-23, 25-16, 25-20.
Nanguan si Haryono sa Indonesia sa naiskor na 20 attack, hjabang umiskor si Nurmukli ng 17 puntos at humirit si Ardian ng 11 marker.
Sa kabila ng kabiguan, ikinalugod ni Philippines coach Dante Alinsunurin ang kampanya ng Pinoy na nakapagwagi ng silver medal sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1977 SEA Games.
“We had problems with our performance. The Indonesians showed more experience in this level,” pahayag ni Alinsunurin. “But we’re still proud of this silver medal finish. We will just have to keep this program going for us to reach a new level in the international scene.”
-Marivic Awitan