CAPAS, Tarlac – Kung napabilib ang sambayanan sa makulay na palabas sa opening ceremony, tiyak namang mapapaluha ang marami sa pormal na pagtatapos ng 30th Southeast Asian Games ngayon sa ultra-modern track oval ng bagong tayong New Clark City dito.
Matapos ang malamyang kampanya sa nakalipas na anim na edisyon ng biennial meet – pinakamalaking multi-event sports spectacle sa rehiyon – muling magbubunyi ang sambayanan, sa pangunguna ni Pangulong Duterte sa pagbibigay pugay sa saliw ng awitin at pagkilala sa atletang Pinoy na tinanghal – sa isa pang pagkakataon – bilang overall champion.
Habang hinihintay na lamang ang nalalabing finals event sa basketball, shooting, soft tennis at combat sports na kickboxing, tangan ng Team Philippines ang kabuuang 353 medalya, tampok ang 140 ginto, 105- silver at 108 bronze, kasunod ang Thailand (86-92-109/287), Vietnam (81-80-95/256), Indonesia (70-76-102/248) at Singapore (52- 46-60/158). Isang ginto lamang ang layo sa top 5 ng Malaysia na may kabuuanng 51 ginto, 53 silver at 68 bronze medal.
Tampok bilang flag-bearer sa parade ng Team Philippines si ‘Surfing Hero’ Roger Casugay na inaasahang tatanggap ng katakot-takot na parangal at insentibo hindilamang bilang gold medalist bagkus bilang Bayani bunsod ng kanyang pagsagip sa naaksidenteng karibal mula sa Indonesia.
Maraming pinahanga si Casugay sa buong mundo dahil sa kanyang sakripisyo at mismong ang Pangulo ng Indonesia ang kumilala sa kanyang kabayanihan.
Pasisinayaan mismo ng mga opisyales ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pangunguna ni Chairman at PH Chief of Mission William “Butch” Ramirez, Philippine SEA Games Orgnaizing Committee (PHISGOC) chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano, at Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang mga opisyal na nangasiwa sa organisasyon at paghahanda ng biennial meet.
Magtatanghal sa nasabing closing rites, ang tanyag na bandang Black Eyed Peas, kasama ang pride ng Pampanga na si Allan Pineda o mas kilala sa pangalang Apl de Ap.
Isang makulay na drone show ang ipapamalas sa nasabing programa, matapos na magbigay ng kani-kanilang mensahe ang mga opisyales ng PSC, POC at ng PHISGOC.
Magbibigay din ng isang tirbute para sa mga nakilahok na volunteers at workforce at ang firework show na talaga namang pinaghandaan.
Samantala, si Arnel Pineda naman ang nakatakdang umait ng Lupang Hinirang sa simula ng programa.
Ito ang ikalawang pagkakataon na naging kampeon ang Team Philippines sa pangangasiwa ni PSC Chairman William Ramirez.
-Annie Abad