July 15, 2026

Home BALITA

ICC, kinansela status conference ni FPRRD ngayong Hulyo

ICC, kinansela status conference ni FPRRD ngayong Hulyo
Photo courtesy: File photo

Kinansela ng International Criminal Court (ICC) ang nakatakdang status conference sa Hulyo 14 kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos sabihin ng hukuman na wala pang isyung nangangailangan ng agarang pagtalakay bago ang paglilitis.

Sa inilabas na anunsyo ng ICC Trial Chamber III nitong Biyernes, Hulyo 10, sinabi nitong walang partikular na usapin na nais ihain ng prosecution, depensa, at iba pang kalahok sa kasalukuyang yugto ng kaso.

“Trial Chamber III has cancelled the status conference scheduled for 14 July 2026 in the Duterte case,” ayon sa ICC.

“The Chamber decided as such in light of the parties and participants indicating that they do not have specific matters which require attention at this stage of the proceedings,” dagdag pa nito.

Sa kabila ng kanselasyon, mananatili naman ang susunod na status conference na itinakda sa Setyembre 16, habang nakatakdang simulan ang paglilitis sa Nobyembre 30.

National

Mike Defensor, dinala na sa Sandiganbayan sa pagdinig ng kasong plunder!

Ang status conference ay bahagi ng mga pagdinig na nakatuon sa paghahanda para sa paglilitis, kabilang ang mga usaping legal, administratibo, at iba pang kinakailangang hakbang upang matiyak ang kahandaan ng magkabilang panig.

Patuloy namang isinasagawa ng Office of the Prosecutor at ng kampo ni Duterte ang kani-kanilang paghahanda bago ang paglilitis.

Kamakailan lamang ay pinayagan ng Trial Chamber III ang prosekusyon na magkaroon ng access sa karagdagang mga rekord na hinihingi nito bilang bahagi ng paghahanda sa kaso, habang bahagyang ibinasura ang ilang pagtutol ng depensa sa pagsisiwalat ng ilang materyales.

Patuloy ding inaayos ng ICC ang mga procedural matters tulad ng paglalabas ng ebidensya at proteksyon sa mga testigo bago ang pagsisimula ng paglilitis.

Nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin sa Maynila noong Marso 11, 2025 batay sa arrest warrant na inilabas ng hukuman kaugnay ng kasong crimes against humanity of murder na may kaugnayan sa mga pagpaslang na umano'y naganap sa kampanya kontra ilegal na droga mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Kalaunan ay inilipad siya sa The Hague sa Netherlands sa araw ding iyon upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.