July 09, 2026

Home SPORTS

John Amores na dating namaril, nagbabalik-PBA!

John Amores na dating namaril, nagbabalik-PBA!
Photo courtesy: Contributed photo

Muling sasalang sa Philippine Basketball Association (PBA) ang kontrobersyal na cager na si John Amores matapos siyang papirmahin ng kontrata ng Titan Ultra para sa nalalabing bahagi ng Season 50 ng Governors’ Cup.

Ang pagbabalik ng 27-anyos na basketball player ay nangyari mahigit isang taon matapos siyang masuspinde sa liga kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Laguna na nagresulta rin sa pagbawi ng kaniyang lisensya ng Games and Amusements Board (GAB).

KAUGNAY NA BALITA: PBA player John Amores sumuko sa pulisya; nahaharap sa kasong ‘attempted murder?'

Kasama ang kaniyang kinatawan na si Danny Espiritu, nilagdaan ni Amores ang kaniyang bagong kontrata ilang araw bago ang pagbubukas ng season-ending conference sa Ynares Center sa Antipolo City.

Una nang naglaro si Amores para sa NorthPort franchise, na ngayo'y nasa ilalim na ng Titan Ultra. Matapos maayos ang kasong isinampa laban sa kaniya kaugnay ng insidente ng pamamaril, nakatanggap siya ng clearance mula sa GAB upang maipagpatuloy ang kaniyang propesyonal na karera sa basketball.

Wimbledon, bumati kay Alex Eala sa wikang Filipino: 'Buo ang suporta ng Pilipinas sa'yo!'

KAUGNAY NA BALITA: Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license! 

Kasunod nito, ipinaalam ng GAB sa pamunuan ng PBA ang pag-isyu ng bagong lisensya kay Amores, dahilan upang payagan siyang maisama sa opisyal na roster ng Titan Ultra para sa darating na conference.

Ayon sa kampo ni Amores, natugunan niya ang lahat ng mandatong itinakda ng GAB bago siya muling mapayagang maglaro. Kabilang dito ang pagsasagawa ng community service at charity work, gayundin ang pagdalo sa psychological at psychiatric consultations.

Bago pa man ang opisyal na pagpirma sa kontrata, regular nang dumadalo si Amores sa mga ensayo ng Titan Ultra noong offseason bilang bahagi ng kaniyang pagsubok na makabalik sa koponan.

Posible namang agad na makita sa aksyon si Amores sa pagbubukas ng Governors’ Cup kung saan makakaharap ng Titan Ultra ang Terrafirma sa opening game ng doubleheader sa Biyernes, Hulyo 10, 2026.