Isa sa proyekto ng Star Cinema na walang katiyakan at puro publicity ang nangyayari ay ang Darna. Nangangamba kami na baka taon ang kainin bago ito matapos dahil ang ipinalit na direktor ay masyadong ‘perfectionist’ at mabusisi.
Anyway ang bagong Darna ay si Jane De Leon na agad sinalubong ng puna sa social media. Kesyo maganda nga pero hindi bagay bilang Darna. O dili kaya maganda nga pero marunong bang umarte? At diumano ay maldita.
Sa TWBA show ay isa-isa niyang sinagot ang mga negatibong komento mula sa bashers. Ang kanyang pahayag: “Hindi naman siguro ako pipiliin kung walang tiwala ang mga pamunuan ng Star Cinema. At hindi po ako maldita. Pero lumalaban ako kapag nasa tama ako. Tungkol sa pag arte, ito lamang ang masasabi ko: watch out!’”
Noon pa man ay dream ni Jane ang maging artista at lahat ng uri ng pagsubok ay naranasan niya kabilang na ang tumanggap ng diretsahanang rejection during auditions. Napagod at nainip man, never na sumuko si Jane para maabot ang kanyang mga pangarap.
-REMY UMEREZ