SA ginanap na media screening ng pelikulang Kings of Reality Shows na sinulat at idinirek ni Ariel Villasanta kasama si Maverick Relova sa UP Film Center nitong Biyernes nang gabi ay dumating ang magkakapatid na Keempee, Cheenee at Jako de Leon.
Pamangkin ni Ariel ang magkakapatid na de Leon dahil pinsang buo niya si Joey de Leon dahil ang mommy Elvie ng una ay kapatid ng nanay ng Eat Bulaga host.
Nakorner namin si Keempee dahil wala pa rin siyang kasamang girlfriend kaya tinanong namin kung ilang taon na siyang single.
“Matagal na, matagal na,”saad nito.
Maraming naging karelasyon ang aktor noong kabataan niya at mga sikat pa na kasama niya sa That’s Entertainment tulad nina Vina Morales, Carmina Villaroel, Manilyn Reynes at may mga on the side pa.
Pero sa mg nabanggit ay bukod tanging si Vina palang ang hindi pa kasal kaya natanong namin si Keempee kung wala siyang planong balikan ang naging ex niya.
Napangiti ang aktor at nabanggit niyang magkaibigan sila ni Vina at may viber group sila ng mga non-showbiz friends nila at nagkikita-kita rin.
“Kami ni Vina, okay kami, good friends kami hindi namin napapag-usapan ‘yung mga bagay, although pag tinutukso kami natatawa na lang kami. Siyempre nakakatuwa lang na naalala pa rin ng mga tao. At may mga nagsasabi na ‘o kayo na lang, siguro kayo talaga.”
“Para sa akin walang problema, single siya, single ako pero hindi natin alam mangyayari. Ang sa akin lang, sana magka-trabaho kami. It should start on something kasi ang tagal din naming hindi nagkita.
“Usually pag reunion na lang tapos nu’ng nag-judge kami sa Showtime, ‘yun ang first time na nagkita kami, okay naman at masaya naman,” nakangiting kuwento ng aktor.
Tinukso si Keempee na maganda pa rin si Vina, “e, forever namang maganda ‘yun,” napangiting sabi ng binatang ama.
Si Manilyn ang nauna, sumunod si Vina at ikatlo si Carmina, “maglabas kaya ako ng libro?” natawang sambit pa ni Keempee.
Pero sa part ni Vina ay si Keempee ang unang boyfriend ng singer/actress at saka sinundan ni Robin Padilla at iba pa.
Sabi namin na puppy love ni Vina si Keempee, “I guess ako, kasi mga bata pa kami no’n. Ilang taon lang siya parang 13 years old lang.”
May throwback ba sina Keempee at Vina kapag nagkikita.
“Hindi naman mawawala ‘yun, natutuwa na lang kami na ‘uy, naalala mob a ‘yun dati’ mga ganu’n. Nakakatuwa lang,” sambit ng aktor.
Hirit namin kung open siya sa part two kay Vina, “e, hindi naman na tayo bumabata na at kung kayo para sa isa’t isa, why not. ‘Yun nga, sana talaga mag-start with good conversation, hindi ko alam kung ano ang mga plano niya, and I’m happy for her.”
Sabi pa namin na yayain niyang mag-dinner ang aktres, “may grupo talaga kami, kapag may party nagkikita-kita kami sa bahay ng kaibigan namin, pero pag serious conversation hindi namin napag-uusapan talaga. Minsan naman nagkakayaan na gimmick kami,” say pa ni Keempee
Dagdag pa, “siguro kapag kaming dalawa lang puwedeng pag-usapan kung anuman.”
-REGGEE BONOAN