HINDI napako ang pangakong tulong pinansiyal ng Japanese Professional Boxing Association (JPBA) kay Pinoy boxer Renerio ‘Bong’ Arizala.
Sa pakikipagtulungan ng Games and Amusement Board (GAB) sa pamumuno ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, ipinagkaloob ng pamunuan ng JPBA, sa pangunguna ni Chief Ryuko Kazuhiro ang Three Million Yen (P 1,400,000.00) cash assistance bilang karagdagan sa free-of-charge medical grant na sinagot ng organization sa isinagawang brain surgeries kay Arizala sa Yokohama.
Matatandaang nawalan ng malay matapos ang kanyang laban kontra Japanese Tsuyoshi Tameda noong Marso 18. Kaagad siyang isinugod sa Yokohama City Minato Red Cross Hospital, Yokohama, Japan kung saan sumailalim siya sa maselang operasyon para maalis ang namuuong dugo sa kanyang utak.
Batay sa medical bulletin na inilabas noon ni Japanese Neurologist Dr. Kagemichi Nagao, sa pakikipagugnayan ni GAB Medical Division Chief Dr. Radentor Viernes, nagtamo ang 25-anyos Pinoy boxer ng ‘acute subdural hemorrhage’.
“Akala ko wala ng magandang mangyayari sa buhay ko dahil sa aksidente ko sa Japan. Alam ko mahihirapan na ako makahanap ng trabaho dahil sa aksidente kaya nagpapasalamat ako sa Panginoon, sa pamilya ko, at sa mga taong tumulong sa akin mula ng maaksidente ako hanggang sa kasalukuyan,” pahayag ni Arizala matapos tanggapin ang tulong pinansiyal kasama ang ina sa GAB office nitong Miyerkoles.
Upang masiguro na mabibigyan ng kabuhayan ang pamila ni Arizala, kinuha siyang empleyado ng GAB.
Personal na iniaabot nina Japan Boxing Commission chief and Oriental and Pacific Boxing Federation (OPBF) Secretary General Tsuyoshi Yasukochi and Japan Professional Boxing Association head Ryuko Kazuhiro ang tulong pinansiyal kay Arizala.
“Japan is not only our friend but also our partner in promoting the welfare of our professional boxers. Last year, GAB and JBC inked an agreement allowing [Pinoy] professional boxers to fight in Japan provided that they will obtain a travel authority from GAB. While, Japanese pro boxers are also allowed to fight in the Philippines provided that they will obtain an affirmation from the JBC,” pahayag ni Mitra.
Samantala, ipinahayag ni Mitra na gaganapin ngayon ang limang bakanteng Philippine Championship Titles sa Mamburao, Occidental Mindoro.
“Maraming salamat po sa JBC, kay Chairman Abraham Mitra, sa aking coach (Jonathan Peñalosa) at Sir Art (matchmaker Art Monis) na hindi ako iniwan at umiyak para sa akin, at sa mga nagdasal para sa aking mabilis na paggaling,” sambit ni Arizala.
“Sobrang saya ko po at hindi makapaniwala na mangyayari sa akin ang ganitong kalaking blessings. Hindi ko po sukat akalain na tutuparin ng Japan Boxing Commission ang pangakong tulong nila na talagang umaapaw,” aniya.
Sentro ng programa at reporma ni Mitra sa GAB ang seguridad, kalusugan at kaligtasan ng mga Pinoy boxers, gayundin ang iba pang professional athletes kung kaya’t ipinatupad niya ang libreng medical at drug test, habang patuloy ang pakikipag-usapa sa lahat ng stakeholders upang masiguro na walang Pinoy fighters na lalaban sa abroad na hindi legal.
-EDWIN ROLLON