MAGING ang pangalan ng mga batang Barretto ay nadadamay na rin sa sigalot ng magkakapatid na Gretchen, Marjorie at Claudine.
At kamakailan nga, kinuwestiyon naman ng ilang netizens si Dominique Cojuangco, anak ni Gretchen sa businessman partner nitong si Tony Boy Cojuangco, matapos mapansin ng ilang na “no-show” ang dalaga sa burol ng lolo.
Isa sa mga netizen ang nag-comment nang: “Pay some respect to your dad instead of partying.”
Hindi ito pinalambas ni Dominique.
“You don’t know me,” maikling sagot ng dalaga.
Muli isa pang social media user ang nagtanong ng: “@dominique are u in your grandpa’s wake?” na agad din namang sinagot ni anak ni Gretchen: “I’m in a completely different country with a job.”
Base sa kanyang latest Instagram post, dumalo si Dominique sa kasal ni Alissa Martinez, anak ni Albert Martinez sa pumanaw nitong asawa na si Liezel Martinez, sa Banff, Canada.
NOT TRUE
Samantala, itinanggi naman ni Julia Barretto ang mga balita hinggil sa umano’y naganap na physical confrontation sa pagitan niya at ng kanyang tiyahin na si Claudine.
Noong Oktubre 18, napabalitang naospital si Claudine matapos ang umano’y away nito sa kanyang kapatid na si Marjorie, sa burol ng kanilang ama, na si Miguel.
Isa sa mga staff na kasama ni Gretchen ang nagsabi na si Marjorie ang umatake kay Claudine. Habang binanggit din nito na kasali sa naging gulo ang batang aktres.
“Wala pong katotohanan,” sagot ni Julia sa isang panayam kay Mario Dumaual ng ABS-CBN News.
Nang matanong naman hinggil sa away ng kanyang ina sa kapatid nitong sina Claudine at Gretchen, sinabi ni Julia na: “Yung mga magkakapatid lang po makakasagot niyan. I cannot speak for them. Hindi ko po laban eh. I don’t have the right to speak for any of them.”
Sa huli, humingi ng “privacy and respect” ang aktres para sa ikalulutas na rin umano ng isyu.
-Reginana Mae Parungao