BAWAT buwan sa kalendaryo ng ating panahon ay natatawag at may kahalagahan. Tulad ngayong Oktubre na kilala sa tawag ng mga Kristiyanong Katoliko na Buwan ng Santo Rosaryo. Buwan ng debosyon sa Mahal na Birhen at buwan din ng pagdarasal ng Santo Rosaryo ayon sa paniniwala ng mga Kristiyanong Katoliko sa buong mundo.
Ayon sa kasaysayan, sinasabing ang pagdarasal ng Rosaryo ay sinimulan pa mahigit nang 400 taon ang nakalilipas ng lahat ng uri ng taong saklaw ng Simbahan. Ang Kongregasyon ng mga paring Dominiko (Dominican) ay may mahalagang nagawa sa pagdarsal ng Rosaryo. Sinimulan ni Saint Dominic, ang nagtatag ng Dominican Congregation ang debosyon sa Mahal na Birhen. Nagpatuloy ito sa paglipas ng panahon hanggang sa ngayon.
Ang bawat naging Papa sa Roma ay nagtagubilin ng pagdarasal ng Rosaryo kabilang si Saint Pope John Paul II at si Pope Bendict XVI.
May mga nagsasabi na ang mga banal noon ay gumagamit ng mga butil o batong maliit sa pagbilang ng kanilang mga dasal. May paniwala naman na ang pagdarasal ng Rasaryo ay binubuo ng 150 Pater Noster o Ama Namin . Pagkatapos, dinagdagan ito ng Ave Maria o Hail Mary.
Nang sumapit ang 1409, isang mungkahi ang ipinasok ng Carthusian Dominican sa Prussia, Eastern Europe. Ginawang 50 na lamang ang papuri kay Maria at Jesus at 50 na rin ang Ave Maria. At nang sumapit ang 1483, ang 50 Ave Maria (Hail Mary) ay naging 15 na lamang na katumbas ng 15 Misteryo. Ang Misteryo sa Tuwa, Hapis at Luwalhati ( Joyful, Sorrowful at Glorious Mistery. At noong Oktubre 15, 2002, sa Apostolic Letter ni Pope John Paul II na may pamagat na “Rosarium Virginis Mariae”, dinagdagan ng 5 pang Misteryo. Tinawag na “Luminous Mystery o Misteryo ng Liwanag. At ang taong 2003 ay ipinahayag bilang “Year of the Holy Rosary”.
Noong 1569, opisyal na pinagtibay ni St.Pope Paul V ang Rosaryo at siya rin ang nagpatibay sa Kapistahan ng Santo Rosaryo o La Naval kapag ganitong buwan ng Oktubre. Ang Kapistahan ay Oktubre 7. Si Pope Leo XIII naman ang nagmungkahi ng pagdarasal ng Rosaryo kung buwan ng Oktubre.
Ayon kay Pope Leo XIII, ang Rosaryo ay isa sa pinakamahusay na dalangin ng pakikiusap sa harap ng Mahal ba Birheng Maria para sa ikabubuti ng ating mga nahihiwalay na mga kapatid.
Sa paglipas ng mga panahon, iba-ibang pananaw at opinyon ang nabanggit tungkol sa Rosaryo. May nagsasabing ang Rosaryo ay isang nakapangyarihang paraan ng pag-uugnay ng pamilya, komunidad o pamayanan at ng bansa sa Mitikong Katawan ni Kristo.
May nagsasabi naman na ang pagdarasal ng Rosaryo ay nag-aatas sa ating sarili ng pananalig at pasasalamat sa Diyos lalo na sa pagninilay ng Doctrinal Truth ng 15 Misteryo. Ang mga ito’y ang Kanyang pagsilang, paghihirap at kamatayan at muling pagkabuhay. At ang nadagdag na Misteryo ng Liwanag.
Ayon kay Sta Teresita, ang Santo Rosaryo ay katulad ng isang tanikalang nag-uugnay ng langit at lupa. Ang isang dulo ay nasa kamay ng Mahal na Birhen. Ang kabilang dulo naman nito ay nasa ating mga kamay. Hangga’t dinarasal ang Rosaryo ay hindi pababayaan ng Diyos ang daigdig sapagkat malakas ang bisa ng Rosaryo sa Kanyang puso.
At sa bawat Pilipinong may panata at debosyon sa Mahal na Birhen at Dakilang Lumikha, ang pagdarasal ng Rosaryo ay bahagi na ng kanilang buhay kapag sumasapit ang buwan ng Oktubre o lumipas man ang nasabing buwan.
May paniniwala rin na ang Rosaryo ay isang kuwintas ng mga rosas. Bawat dalanging sinasambit sa pagdarasal nito ay isang ispirituwal na rosas na iniaalay sa Mahal na Birhen.
Kasama rin sa pagdarasal ang mailap na kapayapaan sa buong daigdig at ang pagkakaroon ng pambansang katahimikan at pagkakaisa ng mga Pilipino dito sa ating Perlas ng Silanganan.
Ganito naman ang pangako ng Mahal na Birhen kay Santo Domingo:” Ang magdarasal ng aking Rosaryo nang taimtim sa puso, samantalang pinagninilayan ang mga misteryo ay hindi daratnan ng kasawiang-palad at hindi mamamatay ng masamang kamatayan. Ang makasalanan ay magbabalik-loob, ang banal aysusulong sa kabanalan at nagiging marapat sa buhay na walang hanggan”.
-Clemen Bautista