WASHINGTON (AFP) – Handa si NBA Commissioner Adam Silver na panagutan ang pagtatanggol niya sa freedom of speech, kahit na ang kapalit nito ay ang pagkawala ng kayamanan na dinala sa liga ng business partnerships sa China.
Apatnapung taon matapos maglaro ng exhibition games ang Washington Bullets sa Beijing at Shanghai, ang unang NBA team na dumalaw sa China, nahaharap ang liga sa pinakamalaking hamon nito.
Isa lang ito sa mga kontrobersiyang sinusuong ni Silver, ang 57-anyos na American na pumalit kay David Stern bilang NBA commissioner noong Pebrero 2014. Siya ang nag-ban for life sa isang team owner dahil sa racist remarks. Nilipat din niya ang venue ng All-Star Game bilang protesta sa isang batas na nagdi-discriminate sa mga gay at transgender.
May patutsada din ang mga star player ng NBA kay US President Donald Trump – tinawag ni LeBron James si Trump na isang “bum.”
At noong isang linggo lang, ang tweet ni Houston Rockets General Manager Daryl Morey na “Fight for Freedom. Stand with Hong Kong,” ay nakapagpanting sa tenga ng Chinese authorities, na pinoproblema ang kaguluhan sa Hong Kong na nag-uugat sa hiling ng mga protester sa democratic freedom at police accountability.
Dahil sa tweet ni Morey, ilang sponsorships ng Houston sa China ang kinansela. Malaking kawalan ito dahil ang Rockets ang dating club ng Chinese basketball icon Yao Ming.
Wala na ring Chinese television coverage ng NBA pre-season games sa China.
Ngunit taimtim ang paniniwala ni Silver na “the long-held values of the NBA are to support freedom of expression, and certainly freedom of expression by members of the NBA community.”
Dagdag niya: “I understand there are consequences from that exercise of, in essence, his freedom of speech. We will have to live with those consequences.”
“It’s my hope that for our Chinese fans and our partners in China, they will see those remarks in the context of now a three-decade, if not longer, relationship.”