Noon pa namin nababalitaan na kahit ilang taon na sa showbiz si Maine Mendoza ay hindi pa rin showbiz ang ugali nito kaya may panahong nasusulat siya ng hindi maganda dahil sa pagiging taklesa at gagawin niya kung ano ang gusto na hindi kailangang may nagdidikta.
Hindi namin personal na kilala si Maine kaya wala kaming alam sa kanya maliban sa mga naririnig naming mabait, pormal at ma-respetong tao.
Pero ang napansin namin ay bungisngis ang isa sa goldmine ng APTEntertainment lalo na kapag tuwang-tuwa siya sa maliit na bagay kaya siguro gusto siya ni Carlo Aquino na leading man niya sa pelikulang Isa Pa With Feelings.
Anyway, seryosong sinagot ng dalawang bida ng pelikula nang tanungin sila kung ano ang hindi nila malilimutan sa isa’t isa.
“Ang hirap mag-isip ng particular experience, pero siguro yung pagkakataon na makatrabaho ko siya, makilala ko siya, not just as Gali (karakter ng aktor sa pelikula) kundi as Carlo Jose Liwanag Aquino, nakilala ko siya as a person, as an actor, and as a real person.
“Sobrang laking bagay na sa akin iyon kasi bihira ka nga makahanap dito sa showbiz ng totoong tao, and isa si Carlo sa mga totoong taong nakatrabaho ko talaga,” pahayag ni Maine.
“Para sa akin, yung kabuuan, ‘yung kabuuan na habang ginagawa namin yung pelikula. Kasi nga, si Maine, very transparent, e. Madalang kang makakita ng ganoon sa industriya.
“Kung ano ‘yung nararamdaman niya, kung papa’no siya sa araw na iyon, totoo siya. Yun yung isa sa mga tini-treasure ko,” paglalarawan ni Carlo sa leading lady.
Inamin ng dalawa na puwedeng sabihing close na sila bilang magkaibigan.
“Kung basag-basagin mo kasi ako, parang ganu’n-ganu’n na lang. Ha ha ha ha! Pero mahal ko ‘to, mahal ko itong si Maine,” diretsong sabi ng aktor.
Medyo bago sa amin ang sinabing ito ni Carlo kasi nga hindi pa naman sila ganu’n katagal magkakilala ng dalaga pero sinabihan na niya kaagad ng ‘mahal ko itong si Maine.’ Sinsero naman ang binata sa sinabi niya.
“Kumportable po namin sa isa’t isa, na naglolokohan kami sa set, sobrang nagbibiruan. Hindi mo alam kung napipikon na ba ‘yung isa,” ganting sagot ng aktres.
Sabi pa ni Maine kay Carlo na parang sila lang ang tao sa venue ng presscon, “Easy to get along with ka naman talaga. ‘Yung wala kang dating. Parang sobrang dali niyang i-approach, very friendly, very accommodating. Parang hindi ka mahihiya na i-approach siya, parang hindi ka mahihiya i-joke siya, kasi natatawa naman siya.”
Kaya pala ‘mahal’ ni Carlo si Maine kasi binabasag siya parati ng dalaga at challenge iyon para sa una.
Samantala, nabanggit ni Maine na habang ginaganap ang presscon ay nasa 60 block screenings na ang bilang na sponsored ng fans niya at baka madagdagan pa.
Sabay tanong kay Carlo, “ikaw ilan (pa block-screening)?
“Basta suportahan kita,” natawang sabi ng aktor.
Anyway, kasama rin sa pelikula sina Cris Villanueva, Nikki Valdez, Kat Galang, Vangie Labalan, Geleen Eugenio, Rafael Siguion-Reyna at Lotlot de Leon. Mapapanood na ang Isa Pa with Feelings sa Oktubre 16 nationwide mula sa direksyon ni Prime Cruz handog naman ng APTEntertainment at Black Sheep Entertainment.
-REGGEE BONOAN