IPINADAMA ng Ateneo na walang makahahadlang – sa kasalukuyan – sa kanilang kampanya na mapanatili ang korona sa UAAP men’s basketball.
Nakompleto ng Blue Eagles ang first round sweep sa Season 82 nang dominahin at daigin ang liyamadong title-contender University of the Philippines, 89-63, sa Finals rematch nitong Linggo sa Smart-Araneta Coliseum.
Dominante at nanalasa sa inside play si Ivorian slotman Ange Kouame na kumana ng 19 puntos, 15 rebounds, at pitong blocks para sandigan ang Ateneo sa 7-0 card.
Nagsalansan si Matt Nieto ng season-high 18 puntos, limang boards, at tatlong assists, habang kumana si Will Navarro ng 14 puntos, anim na rebounds, at isang block.
Nag-ambag si Thirdy Ravena ng 13 puntos, tatlong rebounds, at tatlong assists, habang humirit si SJ Belangel ng 11 puntos para sa Ateneo sa pinakaaabangang laro ng taon na sinaksihan ng 19,861 manonood.
Tulad ng inaaasahan, dikdikan ang laban at walang nakalayo sa unang dalawang period na nagtapos sa 35-31. Sa second half, nagsimulang uminit ang opensa ng Blue Eagles ay nakaabante sa 45-32 may 7:29 ang nalalabi sa third period.
Naging mainit at tensyunado ang sitwasyon na naging daan para mawala sa wisyo si coach Bo Perasol na kinompronta ang mga officials bunsod ng aniya’s lantarang ‘no-calls’ na naging daan sa kanyang pagkakapatalsik may 6:23 sa third period.
Tila nawala ang kumpiyansa ng Maroons sa kaganapan na sinamantala ng Blue Eagles para maitarak ang pinakamalaking bentahe sa 89-62, tampok ang three-pointer ni Tyler Tio.
Nanguna sa Maroons si Kobe Paras na may 15 puntos, habang kumana si Javi Gomez de Liano ng 14 puntos at dalawang boards, at umiskor si Jun Manzo na may 12 puntos, limang rebounds, at tatlong assists.
Sa kabila ng kabiguan, nanatili sa No.2 ang Fighting Maroons na may 5-2 karta.
Iskor:
Ateneo (89) -- Kouame 19, Ma. Nieto 18, Navarro 14, Ravena 13, Belangel 11, Tio 5, Wong 4, Go 3, Mamuyac 2, Andrade 0, Chiu 0, Credo 0, Daves 0, Maagdenberg 0, Mi. Nieto 0.
UP (63) -- Paras 15, Ja. Gomez de Liano 14, Manzo 12, Ju. Gomez de Liano 8, Akhuetie 6, Rivero 6, Webb 2, Gob 0, Jaboneta 0, Mantilla 0, Murrell 0, Prado 0, Spencer 0, Tungcab 0.
Quarterscores: 15-21, 35-31, 61-46, 89-63.