GRABE halos lahat ng eksena sa Jowables ay bentang-benta sa lahat ng nakapanood sa ginanap na premiere night nitong Lunes sa SM Megamall Cinema 1.
Kasi naman opening palang ng pelikula ay nakikipag-usap na ang batang Kim sa isang Manikin (life-sized anatomical human model) na nasa loob siya ng classroom na kunwari ay boyfriend niya.
Ang arte-arte ng boses ng batang Kim na kunwari nakikipag lambotsingan kaya tawang-tawa na ang lahat lalo na nu’ng hinalikan niya ang manikin at dito siya nahuli ng guro at habulan to death sila.
Hanggang sa lumaki na si Kim bilang si Elsa Mangahas na walang ginawa sa buhay niya kundi manalangin na magkaroon ng jowa.
Maraming mga eksenang sasakit ang tiyan mo sa katatawa lalo na ‘yung masinsinang nag-uusap sina Candy bilang madre at si Elsa na pareho silang hindi nagka-jowa at kung paano napapaligaya ang sarili nila.
Siyempre, hindi naman magiging epektibo ang nakakatawang eksena ni Kim kung wala ang kabatuhan niya ng linya na sina Cai Cortez, Chad Kinis at ‘yung tatlong kaibigan pa ng aktres.
At dahil walang ginawa ang grupo kundi mag-inuman pagkatapos ng trabaho para na rin samahan si Kim na baka sakaling mahanap na nito ang inaasam-asam na jowa ay dito na nakilala ng aktres ang jowable niyang si Jerald na isang Bumbay.
Palibhasa lasing pareho kaya nagkasundong mag-sex at dahil nga first time ni Kim kaya kiliting-kiliti siya sa ginagawa sa kanya ni Jerald kaya hagalpakan na naman ang lahat.
Pero hindi lahat ng eksena ay nakakatawa dahil ang twist ng kuwento ng Jowable ay may isyu pala ang mag-inang Kim at Kakai dahil may nakaraan ang huli na itinago nito sa anak.
Kilalang magaling na komedyante si Kakai, pero sa Jowable ay ipinakita naman niya ang iba niyang kakayahan sa pag-arte, ang pagiging drama queen, yes mahusay siyang mag-drama.
Marami pang eksena ang ikagugulat ng manonood dahil ibang-iba ito sa trailer ni Direk Darryl Yap na kaya pala confident siyang maganda talaga ang pelikulang Jowable.
Ngayong araw, Miyerkules na mapapanood ang Jowable nationwide produced ng Viva Films.
-Reggee Bonoan