HINDI lang ang 30th Southeast Asian Games (SEAG) ang pinaghahandaan ng Philippine boxing team.
Nakalatag na para paghandaan ng Nationals ang 2020 Tokyo Olympics at tiniyak ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (Abap) na walang sasayaging sandali ang Pinoy fighters.
Nakatakda ang Tokyo Games sa July 24-Aug. 9 at naghihintay na ang mga qualifying events para sa minimithing slots sa quadrennial Games.
Nakahanay sa Asia-Oceania group, ang pagkakataon para sa Pinoy ay magsisismula sa Chinese city of Wuhan sa Feb. 3-14.
Walong weight classes ang lalaruin sa Olympics: flyweight (52 kg), feather (57 kg), lightweight (63 kg), welter (69 kg), middle (75 kg), light-heavy (81 kg), heavy (91 kg) at super-heavy (91+ kg).
Target ng Team Philippines na makasabit sa unang anim na dibisyon, tampok si middleweight Eumir Marcial, kagagaling lamang sa silver medal finish sa World Championships sa Russia. Nakalinya rin sina Flyweight Carlo Paalam, a quarterfinalist, at Fil-British light-heavy John Marvin.
Bukod sa Wuhan tournament, sasabak din ang Pinoy sa World Qualifying sa Paris sa May 13-24.
Para higit na maihanda si Marcial sa SEAG at sa Olympic qualifying in China, sinabi ni Abap executive Ed Picson na ipadadala nila ito sa England o Australia para magsanay.
-Nick Giongco