Pamilyar ka ba sa katagang “aging like a fine wine?”
Ang pahayag na ito ay kadalasang maririnig sa mga usaping may kinalaman sa tao o bagay na nilipasan na ng panahon ngunit hindi naman napag-iwan—bagkus lalong humusay at gumanda.
Halimbawa na lamang nito ay ang mga artistang sa tagal ng panahon, nanatili pa rin ang angking husay at ganda sa industriya.
Sa likod ng tanyag at sikat na katagang ito, may katotohanan nga ba ito kung ililiteral ang kahulugan nito?
Batay sa artikulong mababasa sa pahinang Bottle Shop Plume Ridge, may katotohanan ang katagang ito.
Anang artikulo, dumadaan sa “chemical transformation” ang isang wine na siyang nakakaapekto sa lasa, aroma, texture, at istruktura nito.
Mababasa rin sa artikulo ang ilang “key changes” pagdating sa wine aging, gaya na lamang ang pag-soften ng tannins; “balancing-out” ng acid sa wine; pag-evolve ng lasa at aroma; at pag-iiba ng kulay.
Paglilinaw naman nito, hindi lahat ng uri at klase ng wine ay sumasarap sa katagalan, ngunit may maituturing na “best wines for aging.”
Ilan lamang sa mga ito ay ang tanyag na Red wine (Bordeaux, Barolo & Barbaresco, Burgundy, Napa Valley Cabernet Sauvignon, Rioja) at White wine (Riesling, White Burgundy, Vintage Champagne, Sauternes).
Hindi maikukubli ang katotohanang bahagi na ng kultura at tradisyon ng nakararami ang wine—lalo’t isa ito sa pinakapaboritong inumin ng iilan.
Pero kung ang bet na wine ay mas mainam at mas masarap inumin sa katagalan ng panahon, siguraduhing maglaan ng sapat na oras sa paghihintay dahil tiyak, ‘yan ay worth the wait!