Tambak na plastik sa bahay? Imbes na itapon agad, bakit hindi subukang gawing kapaki-pakinabang?
Sa paggunita ng International Plastic Free Day nitong Lunes, Mayo 25, muling pinaaalalahanan ang publiko tungkol sa lumalalang problema sa plastic pollution at kung paano makatutulong ang simpleng pagbabawas at muling paggamit ng plastik sa pang-araw-araw na buhay.
Ayon sa ulat ng United Nations Environment Programme o UNEP, mahigit 400 milyong tonelada ng plastic ang nalilikha kada taon sa buong mundo, at malaking bahagi nito ay nauuwi lamang sa basura at karagatan, dahil sa hindi maayos na disposal o pagtatapon.
Tinatayang kalahati rin ng mga ito ay single-use plastics o mga plastik na minsan lang ginagamit.
Batay naman sa ulat ng World Wide Fund for Nature o WWF, isa ang Pilipinas sa mga bansang may malaking kontribusyon sa plastic waste leakage sa karagatan dahil sa mataas na paggamit ng sachets at disposable plastics.
Dahil dito, hinihikayat ng environmental groups ang publiko na humanap ng malikhaing paraan upang mabawasan ang pagtatapon ng plastik.
Narito ang ilan sa mga posibleng gawin sa mga plastik:
Paso at organizer mula sa bote
Isa sa mga pinakamadaling gawin ay ang pagre-recycle ng mga lumang bote ng softdrinks o tubig bilang paso ng halaman o organizer ng school at office supplies. Bukod sa nakababawas ng basura, nakakatipid pa sa gastusin.
Eco-bricks para sa komunidad
Patok din ngayon ang paggawa ng eco-bricks—mga plastik na bote na pinupuno ng maliliit na plastic wrappers at iba pang residual waste. Ayon sa ilang environmental advocates, maaari itong magamit sa paggawa ng upuan, mesa, at iba pang community projects.
Reusable eco bag at dekorasyon
Maaari ding gawing handicrafts, wallets, o reusable bags ang mga lumang plastic packaging. Sa ilang komunidad, ginagawa rin itong dekorasyon at art projects bilang bahagi ng environmental awareness campaigns.
Iwas single-use plastics
Ayon sa ulat ng Ocean Conservancy, kabilang sa pinakamabisang paraan upang mabawasan ang polusyon ay ang pag-iwas mismo sa paggamit ng single-use plastics tulad ng straw, plastic cups, at disposable utensils.
Hinihikayat din ang publiko na gumamit ng tumbler, reusable containers, at eco bags kapag namimili.
Maliit na hakbang, malaking epekto
Bagama’t tila simpleng hakbang lamang ang muling paggamit ng plastik, sinasabi ng mga environmental group na malaki ang epekto nito kapag sama-samang ginagawa ng publiko.
Ngayong International Plastic Free Day, paalala ng mga eksperto: hindi kailangang maging perpekto agad sa pagiging eco-friendly. Ang mahalaga ay magsimula—kahit sa simpleng pagtanggi sa plastik o pagre-repurpose ng mga ito sa bahay.