Nakatakdang ipa-revoke sa lalong madaling panahon ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP) ang lisensya ng mga baril ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtugis ng mga awtoridad kay Dela Rosa dahil sa inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
Matatandaang huling namataan si Dela Rosa sa CCTV footage ng Senado bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14, 2026, kung saan sumakay siya sa Fortuner na puti na may plakang “DAV 1225” at nakarehistro sa pangalan ni Sen. Robin Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP
Ayon naman sa naging pahayag ni DOJ Sec. Fredderick Vida sa isinagawa niyang press conference nitong Martes, Mayo 26, sinabi niyang inaasahan na raw niya noon pang Lunes, Mayo 25, ang pagre-revoke sa lisensya ng mga baril ni Dela Rosa.
Base kasi sa mga kumalat na ulat, aabot umano sa humigit-kumulang 100 ang mga firearms ni Dela Rosa dahilan para ituring din ng National Bureau of Investigation (NBI) na “armed and dangerous” ang nasabing senador.
“I expect that the PNP should have done that yesterday and I gave a call to the PNP,” pagsisimula niya.
Ani Vida, isang pribilehiyo na lang daw na maituturing ang lisensya ni Dela Rosa sa kabila na rin ng arrest warrant ng ICC laban sa kaniya.
“Basically there is an arrest warrant and the PNP gun ownership and having a license to gun ownership is not a right but a privilege,” aniya.
Dadag pa niya, “Anytime, the state, the republic, should not be have its tools and its mechanism is limited.”
Pagpapatuloy ni Vida, makikipag-usap daw siya kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez, Jr., para matanggal na ang lisensya ng mga baril ni Dela Rosa sa lalong madaling panahon.
“I’ll talk to Gen. Nartatez about that and I expect that it should be revoked as soon as possible,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang mariing dinepensahan ng tumatayong legal counsel ni Deka Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc ang naging pahayag ng NBI na siya ay “armed and dangerous” habang patuloy ang paghahanap sa kaniya ng mga awtoridad.
Ani Bondoc noong Mayo 24, wala raw katotohanan ang naturang paglalarawan kay Dela Rosa at ang NBI raw ang tunay na armado at mapanganib dahil daw sa mga armado nitong opisyal na nag-eenforce ng warrant ng ICC kahit hindi pa raw ipinapakita ng kopya nito sa kanilang mga abogado ng senador.
“We strongly and categorically deny that Senator Bato is armed and dangerous,” aniya.
“It is the NBI that is armed and dangerous because they are using armed personnel to enforce a warrant that has not been shown to us and has not been processed by domestic competent judicial authority,” dagdag pa ni Bondoc.
KAUGNAY NA BALITA: 'They are using armed personnel!' Atty. Bondoc, binanatan pabalik ang NBI