Mariing itinanggi ng kampo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na siya ay “armed and dangerous” habang patuloy ang paghahanap sa kaniya ng mga awtoridad kaugnay ng iniulat na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang pahayag nitong Linggo, Mayo 24, 2026, sinabi ng legal counsel ni Dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc na walang katotohanan ang naturang paglalarawan sa senador.
“We strongly and categorically deny that Senator Bato is armed and dangerous,” ani Bondoc.
“It is the NBI that is armed and dangerous because they are using armed personnel to enforce a warrant that has not been shown to us and has not been processed by domestic competent judicial authority,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ng NBI noong Sabado, Mayo 23 na itinuturing nilang “armed and dangerous” si dela Rosa habang isinasagawa ang paghahanap at pagpapatupad ng warrant laban sa senador.
“It’s our standard protocol that if we’re doing an operation or locating a fugitive from justice, our presumption is that they’re already armed and dangerous,” saad ni Matibag sa isinagawang press conference noong Sabado.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Dela Rosa, itinuturing na 'armed and dangerous' ng NBI
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bahagi lamang umano ito ng standard precautionary measures ng ahensya sa lahat ng indibidwal na sineserbisyuhan ng warrant.
“Yung ‘armed and dangerous’ ang sinasabi namin dito; lahat naman po ng target o sine-serve-an ng warrant, ang aming point of view, we will always be ready baka armado ang ating subject,” paliwanag ni Matibag.
Hindi pa nagbibigay ng karagdagang detalye ang NBI hinggil sa operasyon para hanapin si Dela Rosa.
Samantala, patuloy namang kinukuwestiyon ng kampo ng senador ang legalidad ng umano’y warrant, partikular ang kawalan umano nito ng proseso mula sa lokal na hukuman.
Si dela Rosa ay isa sa mga personalidad na inuugnay sa imbestigasyon ng ICC kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.