Ateneo vs UST para sa UAAP leadership

UNAHAN sa liderato ang defending champion Ateneo de Manila at University of Santo Tomas sa kanilang pagtutuos ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.

Magsisimula ang tapatan ng mga kasalukuyang lider na kapwa may kartadang 2-0, sa pambungad na laro ganap na 10:30 ng umaga.

Susundan ito ng salpukang De La Salle University at National University ganap na 12:30 ng hapon bago ang tampok na laban sa pagitan ng Adamson University at University of the East ganap na 4:00 ng hapon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Masusubok ang tibay at bangis ng Tigers sa pamumuno ng unang Player of the Week ng Season 82 na si Rhenz Abando, big man Soulemane Chabi Yo, ang backcourt trio nina Renzo Subido, Mark Nonoy at Brent Paraiso at team captain CJ Cansino laban sa mas beteranong grupo nina Isaac Go, ang kambal na sina Matt at Mike Nieto, Gian Mamuyac, Ivorian slotman Angelo Kouame at Thirdy Ravena.

Sisikaping bumawi ng La Salle sa 69-81 kabiguan natamo sa kamay ng Blue Eagles, habang tatangkain namang bumangon mula 83-84 na pagkadapa ang National University Bulldogs sa kamay ng Adamson.

Sa women’s division, aasintahin ng defenfing champion NU Lady Bulldogs ang ikatlong sunod na panalo at ika-83 sunod na record win sa pagtutuos nila ng La Salle Lady Archers ganap na 8:00 ng umaga sa UST gym kasabay ng salpukan ng co-leader nilang UST Tigresses at ng Ateneo Lady Eagles sa Big Dome.

-Marivic Awitan