Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ni dating Aparri Vice Mayor Rommel Alameda, matapos ang pinaghihinalaang pagnanakaw sa puntod niya.
Ayon sa mga ulat, ilang concerned citizens ang nag-abiso sa pamilya ni Alameda hinggil sa sinapit ng libingan ng pumanaw na vice mayor na natuklasan noong Huwebes ng gabi, Mayo 21, 2026.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakarinig umano ng tila binabakbak na pader sa sementeryo ang ilang residente, at nang hanapin nila ito, tumambad sa kanila ang basag at butas na nitso ni Alameda.
Mapapanood sa video na nagkalat sa social media na halos lumitaw na ang kabaong ng dating vice mayor at bahagya ring nasira ang lapida sa kaniyang puntod.
Pagnanakaw ang nakikitang motibo ng mga kaanak ni Alameda lalo pa't nawawala umano ang ilang mga gamit na isinama nila sa puntod ng dating vice mayor.
Nag-alok na ng ₱10,000 pabuya ang kaanak ni Alameda sa kung sinomang makakapagturo sa kanila ng anumang impormasyon hinggil sa nasa likod ng paninira at pagnanakaw sa nitso ng dating vice mayor.
Matatandaang si Alameda ay kasama ng lima pang katao na tinambangan at pinatay noong Pebrero 2023 sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Habang noong Marso 2025 naman ng naaresto ang dalawang suspek na iniuugnay sa pagkamatay ni Alameda.