Pinapakasuhan ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV si Sen. Robin Padilla dahil sa umano’y pagpapatakas nito sa kapuwa senador na si Ronald “Bato” dela Rosa, matapos ang naganap na kaguluhan sa Senado noong Mayo 13, 2026.
Sa latest episode ng “One on One with Karen Davila” noong Linggo, Mayo 24, inusisa si Trillanes kung dapat bang makulong si Padilla sa ginawa nito.
“Mayro’ng proseso,” sagot ni Trillanes. “Pero kailangan niyang makasuhan. Maliwanag ‘yon na siya ang nagpatakas. May mga testigo, may mga ebidensiya.”
“Ngayon, kailangang makasuhan muna then bahala na ang korteng sumentensiya sa kaniya [kay Padilla],” dugtong pa ng dating senador.
Matatandaang itinuturing na ng National Bureau of Investigation (NBI) si Padilla bilang person of interest sa pag-eskapo ni Dela Rosa.
Maki-Balita: Sen. Robin, 'person of interest' para matukoy kinaroroonan ni Sen. Bato—NBI
Batay sa isinapublikong CCTV footage ng pulisya noong Mayo 20, magkasamang pumunta sina Dela Rosa at Padilla sa parking lot ng Senado at sumakay sa Fortuner na puti na may plakang “DAV 1225” na nakarehistro umano sa pangalan ng huli.
Ngunit sa isang pahayag na nilabas ni Padilla nitong Biyernes, Mayo 22, itinanggi niya ang ibinabato saa kaniyang paratang.
Katwiran ng senador, marami raw pulis sa loob at labas ng Senado noong mangyari ang kaguluhan sa Senado at may mga CCTV pa kaya paano raw masasabi ng publiko na sumibat sila ni Dela Rosa.
Maki-Balita: 'Walang humarang sa amin!' Sen. Robin, mariing tinangging tinakas niya si Sen. Bato