Nanindigan si Sen. Robin Padilla na hindi niya raw tinakas ang kapuwa niya senador na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa madaling-araw noong nakaraang Huwebes, Mayo 14, 2026.
Matatandaang mapapanood sa isinapublikong CCTV footage ng pulisya noong Miyerkules, Mayo 20, na magkasamang pumunta sina Padilla at Dela Rosa sa parking lot ng Senado at sumakay sa Fortuner na puti na may plakang “DAV 1225” na nakarehistro umano sa pangalan ni Padilla.
Base sa impormasyon ng pulisya, nakaalis ng Senado sina Padilla at Dela Rosa bang 2:30 ng madaling-araw noong nakaraang Huwebes, Mayo 14.
Ayon naman sa inilabas na press release ng opisina ni Padilla sa media nitong Biyernes, Mayo 22, binanggit nila ang ilan sa mga naging pahayag ni Padilla sa panayam sa kaniya ng isang TV station.
Buwelta ni Padilla, marami raw pulis sa loob at labas ng Senado noong nagaganap ang kaguluhan sa Senado at may mga CCTV pa kaya paano raw masasabi ng publiko na tumakas sila ni Dela Rosa.
“Paano kami tatakas? Ang daming pulis sa loob at labas ng Senado, may CCTV pa. Wala namang humarang sa amin,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, nag-iba raw ang tensyon sa Senado nang umugong ang balitang tila may magaganap ulit na kudeta at dumating ang mga armadong kalalakihan sa labas ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
“Ramdam mo na iba na ang ambience. May mga armadong kalalakihan na sa labas. May mga rally, may mga usapang lalala ang sitwasyon,” aniya.
Pagkukuwento ni Padilla, marami raw mga miyembro ng majority bloc ang natakot talaga sa naganap na putukan mula sa mga opisyal ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado at National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang Miyerkules, Mayo 13.
“May mga senador na natakot talaga. Madilim, walang ilaw, tense ang sitwasyon. May mga umiiyak na. Kaya bumaba ako para tingnan kung ayos lang ang lahat,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, “Nakita ko kay Sen. Bato na iniisip niya kung paano madi-diffuse ang sitwasyon. Pulis kasi ang puso niyan.”
Pagpapatuloy ni Padilla, “relaxed” o kalmado lang daw sila noong gabi ng Mayo 13 dahil wala naman daw ipinakita sa kanilang arrest warrant na mula sa local Court ang mga awtoridad laban kay Dela Rosa.
“Wala namang warrant. Ayon mismo sa Senate President, wala ring local warrant. Kaya very relaxed kami,” ‘ika niya.
Giit ni Padilla, humiling daw si Dela Rosa na sumabay na sa kaniyang pag-alis at hindi niya ito natanggihan dahil wala naman daw sasakyan ang huli.
“Ang sabi ni Sen. Bato, sasabay na ko. Alangan naming tanggihan ko yun? Walang sasakyan si Sen. Bato dahil inihatid lang sya sa Senado ng sasakyan ni Senador Alan Peter Cayetano,” saad niya.
Diin ni Padilla, mas marami raw usapin sa bansa na mas dapat pagtuunan ng pansin at huwag daw sanang mamili lang ng mga indibidwal kung talagang nais ng maraming malinis ang gobyerno.
“Ang dami pa nating dapat pag-usapan trabaho, tamang sweldo, aksyon laban sa korapsyon. Kung gusto nating linisin ang gobyerno, dapat lahat. Huwag tayong mamili,” pagtatapos pa niya.
Habang sinusulat ito, hindi pa muling namamataan ng publiko ang presensya ni Dela Rosa mula noong Mayo 14, sa kabila ng hindi pag-apruba ng Korte Suprema sa petisyon ng kaniyang kampo na maglabas ng temporary restraining order (TRO) at pag-aanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na “enforceable” ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: Finding Bato? Sen. Dela Rosa, 'fugitive' na ayon kay DOJ Sec. Vida!
KAUGNAY NA BALITA: 'There are consequences!' DOJ, nagbabala sa mga tumutulong kay Sen. Bato