Mariing nagbabala si Department of Justice (DOJ) Sec. Fredderick Vida sa mga indibidwal na posible umanong tumutulong kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na takasan ang mga awtoridad.
Pagkatapos ito ng pag-aanunsyo ni Vida sa publiko nitong Huwebes, Mayo 21, 2026, na “enforceable” daw ang arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa at atasan niya ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na tugisin ang senador.
Matatandaan kasing hindi inaprubahan ng Korte Suprema noong Miyerkules, Mayo 20, ang petisyon ng kampo ni Dela Rosa na maglabas ito ng temporary restraining order (TRO) kaugnay sa arrest warrant ng ICC.
KAUGNAY NA BALITA: OSG, tinanggap 'di pag-apruba ng Korte Suprema sa TRO ni Sen. Bato!
Ayon sa isinagawang press conference ng DOJ nitong Huwebes, nakiusap si Vida sa mga posible raw na tumutulong kay Dela Rosa at idiniin niyang mayroong kapalit ang pagbibigay ng mga ito ng tulong sa senador para makapagtago sa mga awtoridad.
“Sa akin din pong pakiusap, those who might be aiding or abetting or helping Sen. Bato evade the law, there consequences,” pagsisimula niya.
Ani Vida, tiyak daw na may pananagutan ang mga indibidwal na tumutulong kay Dela Rosa hindi lang sa batas ng Pilipinas kundi pati na rin sa ICC.
“Alam natin na sa panuntunan ng rule of law, may pananagutan. Hindi lamang po sa mata ng batas ng Pilipinas, pati rin po sa batas ng ICC,” aniya.
Paliwanag ni Vida, valid raw ang arrest warrant ng ICC at mananagot ang sinomang tutulong kay Dela Rosa para masawata ang matiwasay sanang pagsisilbi ng mga awtoridad ng warrant of arrest sa senador.
“Dahil siya’y isang validly issued arrest warrant ng ICC, meron din pong mga panuntunan… Kapag meron kang ginawa para masawata ang maayos at matiwasay na pagsisilbi ng arrest warrant, may pananagutan ka rin,” saad niya.
“Kaya nananawagan po tayo. We need a closure on this one,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang mapapanood sa isinapublikong CCTV footage ng PNP noong Miyerkules, Mayo 20, ang pagpunta nina Dela Rosa at Sen. Robin Padilla sa parking lot ng Senado upang tuluyang makaeskapo ang “fugitive” na senador sa mga awtoridad bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14.
KAUGNAY NA BALITA: Arrest warrant kay Dela Rosa, valid; lahat ng ebalwasyon ng SC, ibabato sa DOJ—Palasyo