KABUUANG 250 Muslim, Kristyano at Lumad ang lumahok sa pag-usad ng serye ng Children’s Games sa Davao region partikular na sa Malita, Davao Occidental nitong weekend.
Kabilang sa mga aktibidad sa nasabing event ang Ate-Kuya leadership training na ginanap sa unang araw na sinundan naman ng Larong Pinoy sa ikalawang araw.
Mismong si Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond A. Maxey ang personal na nangansiwa sa programa bilang kinatawan ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez.
“Our Chairman loves the children and he wants the children to play. We are determined to continue this program, which went full blast all over the country back in 2017,” pahayag ni Maxey.
Si Sister Elizabeth Garrote na siyang administrator ng Holy Cross of Malita ay nagpasalamat din sa PSC sa pagpayag nito na sila ang maging host ng nasabing event na siyang pinakamahalagang bahagi ng programa ng PSC na Sports for Peace.
Nakibahagi rin sa nasabing kasiyahan ang 20 indigenous peoples o (IP) kabataan na lumahok sa iba’t ibang palaro. Ikinasiya naman ni PSC Mindanao cluster head Ed R. Fernandez ang naging resulta ng event kung saan aniya ay isang maaliwalas na tanawin na makitang nagkakaisa ang mga kalahok na kabataan.
Ang susunod na Children’s Games ay ilalarga sa Setyembre 20 at 21 sa Agdao, Davao City at sa Maragusan, Compostela Valley sa September 27 at 28.
-Annie Abad