PH junior swimming standout Mojdeh, kumabig ng 2 bronze medal sa Open

BATA sa katauhan, ngunit batikan sa laban.

TINANGGAP ni Jasmine Mojdeh (kanan) ang bronze medal sa awarding ceremony, habang humirit sa kanyang dive si Luke Gibbie sa National Open sa Aquatics Center sa New Clark City sa Tarlac. (RIO DELUVIO)

TINANGGAP ni Jasmine Mojdeh (kanan) ang bronze medal sa awarding ceremony, habang humirit sa kanyang dive si Luke Gibbie sa National Open sa Aquatics Center sa New Clark City sa Tarlac. (RIO DELUVIO)

luke

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

Inagaw ni Philippine junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh at mga kasangga sa Swimming Pinas ang atensyon mula sa mas matatandang miyembro ng National pool, kabilang ang mga Fil-foreign mainstay sa kahanga-hangang langoy sa Philippine National Open Swimming Championships sa New Clark City swimming pool.

Sumabak sa unang pagkakataon sa National tryouts – kipkip ang misyon na makasikwat ng slots para sa Philippine Team na isasabak sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre -- nakipagsabayan ang 13-anyos ng Brent International School student, laban sa mas matatangkad at mas nakatatandang karibal para makapuwesto sa podium sa women’s 400m individual medley.

Naisumite ni Mojdeh, itinuturing ‘swimming princess’ bunsod nang hindi mabilang na tagumpay sa age-group competition sa bansa at abroad, ang limang minuto at 16.76 segundo para sa ikatlong puwesto sa likod nina Xiandi Chua (4:59.62) at Gianna Garcia (5:15.92).

“Masaya po ako sa naging oras ko sa 400 IM nakuha ko na din yung pacing ko sa breast finally kaya naka best time ako. Medyo nahirapan ako sa 200 fly kasi wala akong enough na time para sa easy swim at malamig dahil umulan po,” pahayag ni Mojdeh sa kanyang FB message.

“Halos mabilis lang yung mga events. Nanigas na ako pag dive ko palang so medyo po nawala ako sa pacing.Masaya pa rin ako dahil nakuha ko pa din ang bronze medal.

“Nagpapasalamat ako kay coach Virgie De Luna, kay Coach Marlon and coach Alex Papa. I always dedicate my winnings to God and kay coach Susan Papa,” pahayag ni Mojdeh, patungkol sa namayapang

Pangulo ng Philippine Swimming League (PSL) kung saan nahubog ang talento ng pambato ng Paranaque.

Ikinasaya rin ni Mojdeh ang maaayos na pagtanggap sa kanyang ng mga miyembro ng National team, partikular si Fil-Am Luke Gibbie na nagbigay pa ng ‘pointers’ bago ang pagsabak niya sa laban.

“They are really such kind and very down to earth swimmers especially Luke who approached Jasmine and gave her tips on how to swim the 400 IM and also giving her comfort words in 200 fly. We really appreciate them so much. It meant the world to this young girl and to us,” sambit ni Joan, ina ni Mojdeh.

Nakamit ni Mojdeh ang ikalawang bronze sa 200m butterfly makaraang magsumite ito ng 2:23.25 sa likod nina Kirsten Chloe Daos (2:18.69) at Rosalee Santa Ana (2:18.97).

“It’s her first time here in the Philippine National Open and we’re so proud that she was able to win bronze medals against senior swimmers. She’s the youngest in the podium during the awarding ceremony,” pahayag ni Joan.

Nakahirit din ng tansong medalya sina Swimming Pinas tankers Marcus De Kam, Jordan Ken Lobos at Mervien Jules Mirandilla sa kani-kaniyang paboritong events.

Pumangatlo si De Kam sa men’s 1,500m freestyle bunsod ng naitala nitong 17:14.83 samantalang nakuha ni Aldo Batungbacal ang ginto (16.39.38) at pilak naman si Miguel Barreto (16.54.87).

Naglista naman si Lobos ng 2:24.46 para masiguro ang tanso sa men’s 200m breaststroke na pinagharian din ni Batungbacal (2:22.14) at silver winner Ianiko Limfilipino (2:22.28).

Kumana si Mirandilla ng 2:09.43 para tumersera sa men’s 200m butterfly kung saan nangibabaw si Marice Sacho Ilustre (2:04.95) at pumangalawa si Barreto (2:07.04).

-EDWIN ROLLON