“HINDI ko nga alam kung paano ako magre-response, hindi pa sanay eh, naninibago pa,” sagot ni Boy 2 Quizon sa tanong kung ano ang pakiramdam na ‘direk’ na ang tawag ng lahat sa kanya ngayon.
Si Boy 2 ang direktor ng first movie nina Iñigo Pascual at Maris Racal na may titulong I’m Ellenya L, produced ng Spring Films at N2 Productions na mapapanood na sa Setyembre 13.
Inamin ng aktor/director na hindi pa pumapasok sa isipan niya may nagawa na siyang pelikula na nakapasok sa 3rdPista ng Pelikulang Pilipino (PPP), at kasabay pa ng 100 Years of Philippine Cinema.
Kuwento ng vlogger/social media influencer na kulang sa galing at puro guts lang ang I’m Ellenya L at ayon kay Boy 2, mapapansin sa pelikula ang istilo niya sa pagpapatawa dahil pawang nakatrabaho ng yumaong Lolo Dolphy niya ang mga bida tulad nina Nova Villa at Gio Alvarez. Nakatrabaho ng dalawa ang iconic comedian sa Home Alone Da Riles.
Masaya si Boy 2 dahil nabigyan siya ng ganitong oportunidad.
“Happy ako na nagkaroon ako ng ganitong opportunity. And timing na nagkaroon ako ng ganito, na may nagawa naman akong ganito. Kasi buong buhay ko nalinya ako sa lolo ko (kasa-kasama) sa ‘Home Alone Da Riles.’
“Umabot din naman ako sa point na ano ba ang iba ko pang puwedeng gawin, sa pag-aartista naman umabot din ako na pinipili ko ‘yung gusto kong gawin. Umabot din sa timing ‘yung kung magdidirek ako.
“At nabigyan din naman ako ng opportunity na idirihe ang isang bagay na naiisip namin na kami ang nagki-create. Happy ako na ‘yung genre na nagre-represent ‘yung legacy ng pamilya namin (Quizon, comedy) but doesn’t mean na malayo doon sa nagawa niya (Mang Dolphy).
“May sariling style sa brand ng comedy dito, na makikita n’yo naman na iba ito roon sa nagawa niya (Mang Dolphy). Kasi iba ‘yung nagawa niya, hindi ‘yun mapapalitan o magagaya.”
Hindi naman itinanggi ni Boy 2 na humingi siya ng payo sa Tito Eric Quizon niya o si Kaiz na isa ring direktor.
“Umabot pa ako sa heritage, sa puntod ni Lolo. Umabot sa puntong nakikipag-usap ako sa lahat ng tao. Dasal-dasal laging konektado. Bago nag-umpisa ‘yung project, madalas ako sa Heritage. Kahit noong nabubuhay pa ang Lolo ko, lagi akong humihingi ng advise sa kanya.
“Nakalakihan ko na ‘yun eh (paghingi ng advise). Siya ‘yung rason kung bakit ako naging part ng industry. Sa lahat ng advises na ibinibigay niya sa akin, nandito pa rin ‘yun pati si Kaiz, humingi ako ng tamang advises from him.
“Maliban doon, ‘yung totoong nagbigay sa akin ng encouragement to do this, eh, ang taong ito, si Neil Arce (co-producer). Mayroon kasi akong tendency na nag-o-overthink sa mga bagay, itong taong ito ang nagsasabi sa akin na ‘wag isipin ang mga bagay-bagay,” mahabang kuwento ng bagong direktor.
At siyempre, isa rin sa nagbigay ng advises at lakas ng loob ay ang dalawa sa Spring Films producer na sina Binibining Joyce Bernal at Piolo Pascual.
“Masasabi ko na ‘yung journey ng proseso na ito, medyo mahirap, pero in-enjoy ko at surrounded ako ng mga legit na tao,” saad ni Boy 2.
Mas naunang maging producer si Boy 2 kaysa maging direktor dahil nauna nilang i-produce ni Neil ang mga pelikulang 10000 Hours (2013), Camp Sawi (2016), Sid and Aya (2018) at Ulan (2019).
“As I come from a family who made their business in this genre. I made sure that laughs will be plenty. We took careful consideration of the classic way of doing gags, but also making sure we injected our own brand of new, organic and subtle humor,” sabi pa ni Boy 2.
-REGGEE BONOAN