Tila pinasaringan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla si Sen. Robin Padilla matapos nitong himukin ang mga mambabatas na panatilihin ang wastong asal at propesyonalismo sa gitna ng mga debate sa Senado.
Ginawa ni Remulla ang pahayag kasunod ng napaulat na tensyon sa plenary deliberations sa pagitan nina Padilla at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan kaugnay ng umano’y sigawan habang nagdedebate.
Sa panayam ng isang radio station kay Remulla nitong Sabado, Mayo 23, sinabi niyang dapat handa ang mga senador na makibahagi sa diskusyon nang hindi isinasapersonal ang hindi pagkakaunawaan.
“When people compare the different epochs of our history, itong mga old senators — panahon nina Diokno, Salonga, Tolentino — ang sasabihin ko lang it’s not fair to compare, but everybody should step up,” ani Remulla.
Binigyang-diin din ng Ombudsman na ang mga naghahangad maging senador ay kailangang magpakita ng kakayahan at disiplina bilang mambabatas.
“If you want to be a senator, you have to act like a senator and think like a senator,” dagdag niya.
Ayon pa kay Remulla, bahagi ng trabaho ng mga senador ang pakikipagdebate kaya’t hindi dapat pairalin ang galit habang nasa deliberasyon.
“‘Wag ka magagalit pag nagde-debate kayo. Debate ‘yan. These are the rules. ‘Wag ka magagalit,” aniya.
Hinimok din niya ang mga senador na iwasang gawing personal o emosyonal ang mga argumento sa Senado.
“‘Wag mo idadaan sa sentimyento na kawawa naman ako, inaapi ako. Nag-senador ka. You have to stand proud as a senator. Comport yourself properly,” sabi ni Remulla.
Dagdag pa ng Ombudsman, mahalagang pag-aralan ng mga mambabatas ang parliamentary procedures at rules of debate upang mas maging maayos at makabuluhan ang mga talakayan sa Senado.
“Lumaban ka ng debate. Mag-aral ka. Study the rules of debate. Study the rules of parliamentary procedures. And behave like a senator,” pahayag niya.
Nag-ugat ang usapin matapos maiulat ang mainitang palitan umano nina Padilla at Pangilinan sa plenaryo, bagay na muling nagbukas ng diskusyon hinggil sa asal at kalidad ng debate sa Senado.