HONG KONG – Ipinahayag ng East Asia Super League (EASL) ang pagbabalik aksiyon ni coach Jimmy Alapag – sa pagkakataong ito bilang assistant coach ng San Miguel Beermen.
Tinaguriang ‘Mighty Mouse’ sa kanyang aktibong career bilang player sa pro league at international competition, isa si Alapag sa may matikas na marka sa kasaysayan ng Philippine basketball bilang kampeon sa anim na pagkakataon sa PBA, dalawang gintong medalya sa international competition, isang MVP award, at bahagi ng All-Star sa 11 pagkakataon.
Inaasahang maibibigay niya ang abilidad at mataas na kalidad ng basketball sa koponan na Beermen na sasabak sa East Asia Super League- Terrific 12.
Naghahanda ang Beermen para sa kampanyang makapagtala muli ng GrandSlam sa PBA.
“The [East] Asia [Super] League is just a great melting pot for the top teams in Asia to get together and compete...The East Asia Super League provides that platform for teams to showcase the talent they have in these respective countries and an opportunity to play against the best,” pahayag ni Alapag.
Sa nakalipas na taon, nakibahagi si Alapag sa East Asia Super League’s Summer Super 8 Coaches’ Clinic na nilahukan ng 55 coaches mula sa China, Chinese Taipei, Hong Kong SAR, Japan, Macao SAR, the Maldives, South Korea, at Philippines.
Misyon ng East Asia Super League, hindi lamang mapataas ang level ng kompetisyon, bagkus ang matulungan ang pag-unlad ng sports sa pamamagitan ng pagtuturo at pagsasanay sa mga nagnanais maging basketball coach.
Nakatakda ang Terrific 12, kinikilala ng FIBA, sa Setyembre 17-22 sa Tap Seac Multi-Sport Pavilion sa Macao. Tampok sa liga ang mga koponan mula sa China, Japan, South Korea at Philippines.