SA Agosto 21 pa ipalalabas ang comedy drama movie nina Dennis Trillo, Jerald Napoles, Mara Lopez, Lou Veloso at Matteo Guidicelli, ang Mina-Anud mula sa Regal Films, Epic Media at HOOQ Philippines.

Mara at Hiroshi

Mara at Hiroshi

Hindi na mahintay ng iba ang opening ng Mina-Anud sa sinehan kaya inaabangan na ito ngayong Sabado sa pagtatapos ng 2019 Cinemalaya sa Cultural Center of the Philippines (CPP) na mapapanood sa ganap na 9:00 ng gabi.

Sa ginanap na mediacon ng Mina-Anud ay kasama ni Mara ang daddy niyang si Hiroshi Yokohama na kadarating lang galing Japan at napag-alaman namin na siya ang unang nagtayo ng surfing school sa Pilipinas noong 1996. Kaya pala magaling mag-surf ang aktres dahil maaga siyang tinuruan ng ama. At 6 years old ay nagsu-surf na ang dalaga.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Isa si Mara sa surfer friends nina Dennis at Jerald sa pelikula. Nabanggit din ng aktres na ang daddy niya ang nagturo kina Dennis at Jericho Rosales ng pagsu-surf.

Panay naman ang tango ng daddy ng aktres sa kuwento niya, pero tina-translate ito ni Mara into Japanese para maintindihan ni Hiroshi ang pinag-uusapan.

Kinumusta namin ang mama ni Mara na si Ms. Isabel Lopez, “hayun ‘di ba kakakasal lang, naunahan pa ako,” tumatawang sabi niya.

Dumalo raw sila ng kapatid niyang si Ken sa kasal ng ina pero ang daddy niya ay hindi na siyempre.

“But they’re in good terms ha, okay sila ni daddy,” sabay tingin sa ama na nakikinig lang.

Walang boyfriend si Mara dahil, “hindi naman kasi ako naglalabas din, ‘pag walang ganap, bahay lang ako. Nagkakaroon lang ako ng time makakilala kapag nasa ibang bansa ako. E, paano? Ang hirap naman magkalayo.”

Sabay sabing, “watch n’yo ‘yung ‘Minute to Win It’, in-announce ni Luis (Manzano) na wala akong boyfriend, hanapan daw ako, nakakatawa. Sayang nga hindi kami nanalo ng 1M.”

Sa pakikipagkuwentuhan namin kay Mara ay ‘tila hindi niya gustong magka-boyfriend ng taga-showbiz dahil iisang mundo na ang ginagalawan nila. Mas gusto niya ‘yung marami siyang madi-discover sa karelasyon habang nagtatagal.

Mas type pa raw niyang mag-surfing kaysa makipag-date.

Anyways, ang saya ng shooting nila ng Mina-Anud dahil wala silang ginawa kundi mag-surf na sinamantala na rin ng dalaga dahil maganda ang dagat sa Samar, isa pa, pinaka-break niya rin ito.

Gagampanan ni Mara ang karakter ni Jessie na nag-iisang babae sa grupo at ang pinakamalakas ang loob sa lahat ng bagay.

Ang Mina-Anud ay idinirek ni Kerwin Go na nagwagi ng Basecamp Colour Prize sa Singapore Southeast Asia Film Financing (SAFF) Forum noong 2017.

Sabi nga ni Dennis, mga ganitong klaseng pelikula ang gusto niya, true to life story.

-REGGEE BONOAN