Tour’Walang singkong masasayang sa pondo ng SEA Games – Sen. Go
NAGPAHAYAG ng kasiyahan si Senator Bong Go sa pamamalakad ng pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) hingil sa paghahanda sa hosting ng 30th Southeast Asian Games, ngunit muling iginiit ang kagustuhan ng Pangulong Duterte na masigurong walang singkong masasayang sa pondo ng bayan.
Matapos madinig ang mga ulat ng mga lider ng PSC, sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, Philippie SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) at Bases Conversion Development Authority (BCDA), sinabi ni Go mas maging mapanuri at masigasig upang mapalakas ang kampanya ng atletang Pinoy at maipakita sa buong rehiyon ang kultura at katauhan ng lahing Pinoy.
“Naging katrabaho ko sa gobyerno sina Chairman Butch, Rep. Bambol (Tolentino) at BCDA head Vivencio Dizon, kaya alam kong nagtatrabaho sila para sa bayan,” pahayag ni Go matapos ang ipinatawag na ng organizational meeting kahapon para sa SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
“Sa tingin ko sapat na ang pondo ng PSC para sa SEA Games. Malinaw naman ang trabaho ng bawat grupo at talagang mariin ang utos ni Presidente Duterte na siguruhin na corrupt-free itong SEA Games hosting.
Iginiit ni Go na klaro ang instruksiyon ni Pangulong Duterte kung saan ibinigay nito ang kapangyarihan sa PSC para sa disbursement ng pondo kaagapay ang Department of Budget Management (DBM) sa procurement ng mga kailangang equipment, habang ang POC ang bahala sa organization at ang PHISGOC sa marketing plan.
Naglaan ang pamahalaan ng P5 bilyon pondo na diretsang napunta sa PSC, habang ang hiwalay na P7 bilyon ang ginamit ng BCDA para sa pagtatayo ng makabagong track oval, swimming pool, athletes village at ibang pang venues sa New Clark City – ang main hub ng biennial meet.
Sinabi ni Ramirez na maingat ang ahensiya sa pagpapalabas ng pondo upang masiguro na hindi ito magiging suliranin sa hinaharap.
“We received financial request and reimbursement from PHISGOC and we immediately forwarded it sa aming legal team, kapag sa tingin namin ay hindi pasok sa COA rules, hindi namin ito inaaprubahan. Mahirap na at baka makasuhan tayo in the end,” pahayag ni Ramirez.
Matatandaang hinahabol pa ng Commission on Audit (COA) ang PHISGOC officials, sa pamumuno ni dating POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco dahil sa ‘unliquidated expenses’ sa 2005 SEA Games hosting.
Kasama ni Go na nakibahagi sa Senate Committee on Sports hearing sina Sen. Tol Tolentino, Imee Marcos at Migz Zubiri, pangulo rin ng Philippine Arnis Federation, gayundin sina House Committee on Sports head Rep. Eric Martinez at Rep. Jericho Nograles.
Ibinida naman ni BCDA Chief Executive Officer Vivencio Dizon na nasa 94 porsiyento nang kompleto ang sports facilities sa New Clark City kung saan gaganapin ang siyam na sports, kabilang ang centerpiece athletics at multi-event swimming, gayundin ang closing ceremony
-EDWIN ROLLON