TUMATAGINTING na P34.4M ang kinita ng Hello, Love, Goodbye sa opening day. Second day, Huwebes, P66.3M na ang kinita, at P110.8 naman ang total na income sa takilya sa loob ng tatlong araw. Kung ikukumpara sa Dawn Zulueta- Michael V movie na sinulat ko earlier this week na mahina ang promo, naka- P3M lang ang Family History. Ganito kalakas ang bagong pelikula ni Cathy Garcia-Molina.
Nangangahulugan lang na walang katotohanan ang laging sinasabing “dying ang local films”. Willing gumastos ang mga manonood hangga’t naipapaliwanag sa kanila nang maayos kung ano ang mahihita nila sa pelikula.
No doubt, may bagong box office tandem kina Kathryn Bernardo at Alden Richards ang Star Cinema. To think na halos ganito rin ang box office record ng The Hows of Us, ang huling pelikula nina Kathryn at Daniel Padilla, kung baga samin walang duda na may sinusundang gold vein ang Star Cinema.
At ito ay si Kathryn.
Naihanap ng Star Cinema ng alternative leading man ang kanilang bagong superstar.
May something kay Kathryn na magugustuhan ng moviegoers. May young moms akong nakasakay sa FX nitong first day of showing, ganito ang usapan:
“Ngayon palabas ang bagong pelikula ni Kathryn, ‘di ba? Sayang, manonood sana ako pero tumawag ang anak ko, may assignment at may kailangan kaming bilhin. Kung ‘di lang sana kailangan bukas napanood ko na.”
“Sa weekend na lang tayo,” sagot ng kausap, “isama na natin ang mga bata.”
May icon o artistang hinahangaan ang bawat henerasyon. Bagamat older kay Kathryn ang mga nakasakay ko, katunayan lang ito na hindi lang kahenerasyon niya ang willing magbayad para mapanood siya, mas malawak ang sakop ng market niya.
Ngayon pa lang, marami nang nagandahan sa Hello, Love, Goodbye na nagre-request ng sequel ng pelikula.
Posibleng maging franchise ang kuwento nina Joy at Ethan, tulad din nina Basha at Popoy.
-DINDO M. BALARES