MAPAPANOOD ngayong Biyernes, sa iWant app o iwant.ph. ang advocacy digital serye na Mga Batang Poz na pinagbibidahan nina Mark Newman, Fino Herrera, Paolo Gumabao, at Awra Briguela na gaganap bilang mga teenager na may Human Immunodeficiency Viruse (HIV). Idinirek ito ng award-winning writer-director na si Chris Martinez at base naman sa nobela ng Palanca-winning author na si Segundo Matias, Jr.

BATANG POZ

Ang nasabing HIV serye ay tatalakay sa mga taong may human immunodeficiency virus (HIV) at kung paano nila ipagpapatuloy ang buhay nila. Ano ba ang dapat o maaaring gawin ng mga kapamilya at kaibigan ng mga taong may ganitong karamdaman.

Mapapanood sa serye ang araw-araw na pinagdadaanan ng mga taong may HIV o “poz,” mula sa mga pag-aalinlangan na dala ng sakit, sa pangangalaga ng kanilang kalusugan sa pamamagitan ng mga gamot, at sa paglaban sa panghuhusga ng ibang tao.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Gaganap bilang bisexual si Mark (Gab) ang 16 -nyos na may girlfriend pero nahulog ang loob sa lalaking best friend na si Fino (Luis, 15), Filipino-Chinese na mahilig sa dating apps at masasanay sa pakikipagtalik ng walang condom.

Gaganap naman si Awra bilang si Chuchay, 15, masayahing batang lumaki sa kahirapan at gagamitin ang pakikipagtalik para kumita ng pera para sa pamilya.

Si Paolo ay si Enzo, 16-anyos at Wattpad writer na hindi kailanman naramdaman ang pag-aaruga ng kanyang mga magulang at isasakripisyo ang kalusugan para sa pagmamahal ng isang lalaki.

Magkakakilala sina Gab, Luis, Enzo, at Chuchay sa internet at kalauna’y magiging magkaibigan at magkikita sa isang coffee shop. Mula rito, magsisimula ang samahan nila para damayan at paghugutan ng pag-asa ang isa’t isa, harapin ang mga hamong dala ng HIV, at ipagpatuloy ang buhay para sa kani-kanilang mga pangarap.

Palalawigin pa ng iWant ang pagbibigay ng impormasyon sa HIV sa isang exclusive special na “Poz Talk” kasama si Karen Davila kasama ang apat na bida ng serye, author ng nobela, at mga taong may HIV na ibabahagi ang kanilang mga karanasan. Mapapanood din ito sa iWant ngayong araw, Hulyo 26.

Hindi naman kaila isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming naitatalang kaso ng HIV sa buong Asia-Pacific region, base sa report ng Department of Health (DoH).

Pabata rin nang pabata ang nakakakuha ng naturang virus partikular na sa age bracket na 15-24, base sa datos ng Philippine National AIDS Council. Iniulat ng DoH na ngayong 2019, may naitatalang 38 bagong kaso ng HIV araw-araw, mula sa 32 noong 2018.

Ang Mga Batang Poz ay produced ng Unitel, StraightShooters, Inc. at Dreamscape Digital. Kasama rin dito sina Yayo Aguila, Bobby Andrews, Joem Bascon, Gardo Versoza, Rita Avila, Mark Rivera, Benedict Campos, Raven Molina, Chesca Iñigo, Patty Mendoza, Soliman Cruz, Tarek El Tayech, Dolly De Leon, Marina Benipayo, Chienna Filomeno, Ricardo Cepeda, Andrew Gan, Arnold Reyes, Angeli Agbayani, at Irma Adlawan.

Panoorin nang libre ang buong anim na episodes ng Mga Batang Poz pati na ang Poz Talk. Para sa karagdagang updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, at sundan ang @iwant sa Twitter at @dreamscapedigital at @iwantofficial sa Instagram.

Para naman sa HIV counseling, testing, paggamot, at iba pang katanungan, makipag-ugnayan sa Love Yourself Inc. at i-email ang [email protected] o bisitahin ang www.loveyourself.ph. Maaari ring tumawag sa National Youth Commission hotlines na 426-8479 at 371-4603.

-Reggee Bonoan