Patay ang isang anim na taong gulang na babae at mahigit 120 pamilya ang nasunugan sa Barangay Dadiangas South sa General Santos City, ngayong Martes ng madaling araw.
Sinabi ni Bong Dacera, action officer ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRDMO), na nakulong ang batang babae sa nasusunog nilang bahay.
Naiwan umanong mag-isa sa bahay ang paslit, dahil nagtatrabaho sa palengke ang magulang nito.
Aabot naman sa 123 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog, ayon kay Dacera.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog makaraang mag-overloading ang kuryente, dahil maraming ilegal na koneksiyon sa lugar.
Aabot sa P600,000 ang inisyal na halaga ng mga natupok na ari-arian ng mga nasunugan.
-Fer Taboy