Isang upcoming movie at TV personality mula sa Pilipinas ang kinoronahang Miss Fashion World 2019 sa pageants sa Malaysia, nitong Linggo ng gabi.
Sa simula pa man ng pageant ay crowd favourite na si Sharmaine Magdasoc, ng Bicol, ayon sa ulat ng iba’t ibang pageant sites.
Nanalo ang 23-anyos na Pinay ng RM100,000 (P1.24 milyon) halaga ng cash at mga produkto mula sa mga sponsor ng pageant.
Subalit ang pinakamalaking premyo ng Bicolana beauty titlist ay ang pagkakataong rumampa sa London Fashion Week sa February 2020, para sa celebrity designer na si Gina Frias.
“This is a big surprise to me considering the other candidates are so beautiful,” sabi ni Magdasoc, sa exclusive interview sa kanya ilang minuto pagkarating niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 1 sa Parañaque City, nitong Lunes ng gabi.
Kapipirma lang bilang Viva Films talent, nangako ang bagong international beauty queen na gagamitin ang kanyang korona upang isulong ang kapakanan ng kabataan.
Wagi rin sina Debby Gommeren (Belgium), 1st runner-up; Isabella Worlock (England), 2nd runner-up; Kayla Lilly (United Kingdom), 3rd runner-up; at Louis Wong (Borneo), 4th runner-up.
Ayon sa mga organizers, ang pageant ay isang “globalization gateway to women empowerment and an access into major fashion events from around the world.”
Sa nasabing panayam, nagpahayag din ng paghanga si Sharmaine sa iniidolo niyang beauty queen.
Sabi niya, “I love Miss Universe Catriona Gray. Aside from the fact that she's also from Bicol like me, she's an inspiration.”
Sinabi rin ni Sharmaine na plano niyang sumali sa isang national beauty pageant matapos niyang manalo bilang Miss Fashion World 2019.
Robert R. Requintina