Patay ang isang motorcycle taxi rider matapos siyang pagsasaksakin ng ice pick at pagnakawan ng motorsiklo ng kaniya mismong pasahero sa Caloocan noong madaling araw ng Martes, Hulyo 14, 2025.
Makikita sa CCTV footage kung saan nangyari ang krimen ang mabilis na panananaksak ng suspek laban sa biktima habang nakatalikod ito at nakaupo pa sa kaniyang motorsiklo.
Bumagsak ang biktima at maririnig na sa CCTV ang pagsigaw niya habang inaatake siya ng suspek. Mapapanood din na sinubukang tumakbo ng biktima at balikan ang motorsiklo subalit pinagbabantaan siya ng suspek.
Ilang saksi ang tumulong sa biktima at agad siyang dinala sa ospital subalit kalaunan ay pumanaw din.
Napag-alamang isang single father ang biktima at naiwan niya ang kaniyang anak na tatlong taong gulang na may autism. Bunsod ng sinapit na biktima, ulilang lubos na ang kaniyang anak dahil maagang pumanaw ang misis ng biktima.
Samantala, ayon pa sa mga awtoridad, ilang oras lamang matapos ang pananaksak sa rider, ay muling nambitkima ang suspek at nagtangkang magnakaw sa Malabon.
Ayon sa pulisya, nang-agaw ng cellphone ang suspek na nagkakahalaga ng ₱7,000. Mabilis na tumakas ang suspek subalit pinagtulungan siyang habulin ng ilang saksi kung saan siya na-corner at kinuyog.
Sa hiwalay na pahayag ng media sa suspek, dumipensa ang suspek sa napatay niyang rider at iginiit na nabigla lang umano siya sa kaniyang nagawa.
Ayon pa sa mga awtoridad, malakas ang kaso laban sa suspek matapos na lumabas sa kanilang imbestigasyon na sangkot din siya sa pagnanakaw pa rin ng motorsiklo sa isa pang rider noon namang Hulyo 11.
Sugatang naaresto ang suspek na nahaharap sa paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016, robbery at homicide.