Ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang reklamong cyber libel, cyber unjust vexation, at gender-based online sexual harassment na isinampa ng aktres na si Jasmine Curtis laban kay Atty. Ferdinand Topacio.
Ito ay matapos sabihin ni Topacio na ang dahilan umano ng pagpapa-sexy ni Jasmine ay upang pagnasahan.
“Kayong mga artista, mga ganyan, ikaw, Jasmine, bakit ka nagpo-post ng bikini pictures mo sa social media, sa mga pahayagan—hindi ba para ikaw ay pagnasahan, para ikaw ay sumikat?” anang abogado.
Ngunit batay sa 13-pahinang joint resolution na may petsang Hulyo 1, wala umanong prima facie evidence with reasonable certainty of conviction ang mga naturang reklamo kaya iminungkahi na ibasura ang mga ito.
“The evidence on record is insufficient to show that respondent's acts were done in a manner that terrorized or intimidated complainant, or that they were calculated to harm her reputation,” mababasa sa resolusyon.
Matatandaang kinatigan ni Topacio ang pambabastos ni Quezon City 4th District Rep. Jesus "Bong" Suntay sa kapatid ni Jasmine na si Anne Curtis.
Ito ay sa gitna ng manifestation ni Suntay sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
MAKI-BALITA: Atty. Topacio kinatigan si Suntay: 'May nakita kang babae na gusto mong halayin, 'di kasalanan 'yon!'