Sampung taong pagkakakulong ang ipinataw ng Sandiganbayan kay dating Polillo, Quezon Mayor Isarme Amarillo Bosque sa kinakaharap na kasong graft kaugnay ng maanomalyang pagbili ng lupaing para sa low-cost housing project ng nasabing bayan, noong 2005.
Sa desisyon ng 2nd Division ng korte, napatunayang nagkasala si Bosque sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-graft and Corrupt Practices Act).
Bukod sa pagkakakulong, inatasan din siya ng anti-graft court na ibalik sa munisipyo ang P411,000, kasama ang interest nito.
Pinagbawalan na rin si Bosque na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Inabsuwelto naman ang mga kasamahang akusado ni Bosque na sina Municipal Treasurer Carmelita Marasigan at Municipal Assessor Samson Ayapana, matapos matuklasang walang kinalaman sa kaso.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagbili ni Bosque ng lupaing may sukat na 3.3656 at nagkakahalaga ng P411,000 sa may-ari nito na sina Valeriana Tiu Gavira at Jessie Tiu Gavira, sa Bgy. Libjo, Polilo, Quezon.
Sa ruling ng hukuman, isinagawa ang pagbili sa kabila ng kawalan ng permiso sa Sangguniang Bayan. Sinabi ng korte, hindi dumaan sa feasibility study upang matiyak sana ang katatagan ng pagtatayuan ng pabahay.
Nadiskubre rin na ang ilang bahagi ng lupain ay sinasaklawan ng bakawan at swamp.
Sa paglilitis, idinepensa ni Bosque ang kanyang sarili at sinabing maaari namang gawing fishpond at iba pang agricultural activities ang nasabing swamp at mangroves.
Binanggit din ng hukuman na ang naturang lupain ay pag-aari na ng munisipyo bago pa man ito bilhin dahil kinuha na ito sa kanila (Tiu) ito noon 1972.
"Without doubt, the irregularity-laden transaction gave unwarranted benefit to the Tius who did not even have an extant right over the parcel of land and, concomitantly, undue injury to the municipal government of Polilio, Quezon, which had to pay the purchase price for a property whose conveyance is not even valid," ayon pa sa ruling ng hukuman.
-Czarina Nicole Ong Ki